“Sobrang malas ang taong 2023. Naputulan na ng binti namatayan pa ako ng asawa,” ito ang pahayag ng benepisyaryo ng Employees’ Compensation Program (ECP) na si Darwin Lacaden ng Urdaneta City, Pangasinan, habang maluhaluhang ibinabahagi ang kuwento ng kanyang buhay.
Sa kabila ng madilim na yugto ng kanyang buhay, napalitan naman ito ng bagong pagasa dahil sa tulong na natanggap niya mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC).
Noong Enero 30, 2024 ay pormal na iginawad kay Lacaden ang kanyang libreng above the knee prosthesis na nagkakahalaga ng ₱90,000.00.
“Mabilis ang kanyang pag-comply sa lahat ng mga dokumentong kailangan natin upang maproseso ang kanyang mga benepisyo kaya naging mabilis ang tugon natin. Nakita rin natin na sobrang kailangan niya ang tulong ng ating ahensiya,” pahayag ni ECC Regional Program Focal Officer Randy Angelo Ponciano, PhD.
“Masaya ako ngayon dahil may isa na akong paa. Magagawa ko na ang magtrabaho at maaalagaan ko na ng maayos ang aking anak,” dagdag na pahayag ni Lacaden.
Maliban sa libreng prosthesis, tumanggap na noong Agosto 2023 si Lacaden ng EC livelihood assistance sa halagang Php 20,000.00 kung saan ginamit niya ito para sa kanyang rice retailing business. Nakatanggap din siya ng EC Sickness benefit na nagkakahalaga ng ₱20,550.00.
Sa ngayon, plano ni Lacaden na buhayin ang negosyo ng kanyang yumaong maybahay na pagtitinda ng mga street food sa kanilang lugar. Malaking tulong din aniya ang negosyong ipinagkaloob ng ECC dahil doon na rin nila kinukuha ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
“Maaari pang tumanggap ng complimentary kit ang ating mga persons with work-related disability (PWRD) kung makitang mapalago at ma-sustain nila ang negosyong ipinagkaloob ng ECC. Halagang sampung libong piso ang maaaring matanggap pa ni Lacaden bilang dagdag puhunan sa kanilang negosyo.”
“Kahit na may ECC, dapat pa rin tayong laging maingat dahil ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga manggagawa ang ating prayoridad,”ayon kay ECC Executive Director Kaima Via Velasquez.
Si Lacaden ay naputulan ng binti noong Abril 11, 2023 dahil sa nangyaring aksidente habang nasa trabaho bilang isang rigger man sa pinapasukang pagawaan ng semento sa Pangasinan.
Ang sinumang manggagawa na naaksidente o nagkasakit nang dahil sa trabaho ay maaaring maghain ng EC application sa Social Security System (SSS) sa mga nasa pribadong sektor at Government Service Insurance System (GSIS) naman para sa mga nasa pampublikong sector.
D. Dupagan – REU 1