Nakatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP) ang isang guwardiya sa hotel matapos itong masaksak ng kanyang katrabaho dahil sa hindi pagkakaunawaan habang ito ay naka-duty sa trabaho. Nagtamo ito ng pinsala sa kaliwang braso, at sa kasamaang-palad ay namanhid at nawalan ng pakiramdam ang kanyang tatlong daliri sa kaliwang kamay.

Dahil sa nangyaring insidente, ang nasabing empleyado ay nag-file ng EC Permanent Partial Disability benefit (EC PPD) sa Social Security System (SSS) at agad namang naaprubahan ang kanyang EC benefit.

Nakakuha ang guwardiya ng EC PPD sa halagang ₱111,550.00 para sa loob ng 15 buwan. Nakatanggap din siya sa ECC ng karagdagang benepisyo na EC cash assistance na nagkakahalagang ₱10,000.

Noong Hulyo 2019, sumailalim naman ang nasabing empleyado sa libreng occupational therapy sessions sa Philippine General Hospital (PGH) sa pamamagitan ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program ng ECC.

Ang KaGabay Program ay karagdagang tulong ng ECC sa mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho. Hindi lamang tulong pinansiyal ang ibinibigay ng ECC kundi pati na rin ang iba pang mga serbisyo at benepisyo na kailangan at nararapat para sa mga Persons with Work-Related Disabilities (PWRDs). Layunin ng KaGabay Program na matulungan at mabigyan ng pagkakataon ang mga PWRDs na makabalik muli sa trabaho o makapagsimula ng sariling negosyo,” saad ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.

Bukod sa libreng therapy session, sumailalim rin ang nasabing empleyado sa isang livelihood seminar na inorganisa ng ECC sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology (DOST).

Noong Enero 2021, nakatanggap siya ng nagkakahalagang ₱20,000.00 livelihood starter kit sa ECC bilang panimula sa kanyang magiging negosyo na loading station. Napalago niya ang nasabing negosyo at naisipang magkaroon ng money remittance via GCash.

Nakakatuwang isipin na sa kabila ng nararanasan nating pandemya, patuloy namang lumalago ang negosyo na ipinagkaloob ng ECC sa ating mga PWRDs. Bilang pagtugon sa kanilang mga pagsisikap na mapalago ang kanilang negosyo, sila ay maaaring mabiyayaan ng complementary kit na nagkakahalagang ₱10,000.00,” pahayag ni Director Banawis.

Nitong ika-6 ng Abril 2022, ginawaran ng ECC ang nasabing empleyado ng ₱10,000.00 na complementary kit bilang pagpapahalaga sa determinasyon at pagsisikap niya na mapalago ang kanyang negosyo. Ang karagdagang benepisyo na ito ay makakatulong upang mapalago pa niya ang kanyang pangkabuhayan.

Kulang ang salitang ‘salamat’ para sa mga naitulong ng ECC sa akin at sa pamilya ko. Ang ECC ang nagsilbing panibagong pag-asa upang ako’y makabangon muli at magpatuloy sa bawat hamon ng buhay. Napakalaking tulong po ninyo sa mga empleyadong nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho. Bukod sa pinansiyal na tulong at pagkakataon na muling makabalik sa trabaho ay nabigyan niyo din kami ng pagkakataon na magtayo ng sariling negosyo,” saad ng EC benepisaryo ng ECC.

Gustong ipabatid ng ECC na ang pag-iwas sa mga sakit at aksidente sa lugar ng trabaho ay mas mahalaga kaysa sa anumang kompensasyon. Ito dapat ang pinaka-priyoridad ng lahat ng mga employer at manggagawang Pilipino.

 

CO – JOC

With reports from Grace Bernadette R. Tee, Social Welfare Officer II