Masaya ako.” Ito lang ang nasambit ni Rex Orcasitas ng Alcala, Pangasinan, kasabay ng pagtulo ng mga luha niya habang nagpapasalamat sa mga tulong na kanyang natanggap mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC).

Nito lang ika-3 ng Mayo 2024, kasama ang kanyang maybahay na si Evelyn Orcasitas, sinamahan sila ng kinatawan ng ECC-Regional Extension Unit 1 upang mamili ng mga paninda para sa kanilang sari-sari store business na handog ng ECC bilang bahagi ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program.

Si Orcasitas ay may approved EC sickness claim kaya kwalipikado siya para sa livelihood assistance na nagkakahalaga ng Php 20,000.00 bilang starter kit. Sa oras na mapalago niya ang kaniyang negosyo, maaari pa siyang makatanggap ng karagdagang Php 10,000.00 bilang complementary kit,” paliwanag ni Regional Program Focal Dr. Randy Angelo Ponciano.

Ayon naman sa maybahay ni Orcasitas, malaking tulong na raw sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan ang tulong pangkabuhayan na kanilang natanggap. Hindi na rin sila aasa sa bigay ng kanilang mga anak. Nangako rin si Orcasitas na pagsusumikapan nilang mag asawa na mapalago ang kanilang negosyo.

Si Orcasitas ay nagkaroon ng back injury noong June 5, 2023 matapos ang nangyaring aksidente habang siya’y nasa laot bilang isang seafarer. Tumanggap siya ng EC Sickness benefit na nagkakahalaga ng Php 120, 000.00 maliban pa sa kanyang cash assistance na Php 10,000.00.

Sasailalim din siya sa libreng physical therapy session sa hospital partner ng ECC.

Samantala, tumanggap din ng livelihood assistance si Eduard Asuncion ng Tubao, La Union noong ika-16 ng Abril, 2024. Napili naman niya ang rice retailing bilang kanyang negosyo sa kanilang lugar.

Si Asuncion ay nagkaroon naman ng injury sa kanyang kanang kamay matapos masabugan ng gulong habang sinusuri niya ang mga ito bago bumiyahe bilang isang truck driver sa isang hardware sa La Union.

Kahit na may ECC, iba pa rin ang maging maingat dahil ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa ang ating pangunahing prayoridad,” ayon kay ECC Executive Director Kaima Via Velasquez.

Tandaan lagi na nandito ang ECC na handang tumulong sa ating mga persons with work-related disability (PWRD) sa oras ng pangangailangan dahil higit pa sa benepisyo ang ibinibigay naming serbisyo,” dagdag ni Atty. Velasquez.

Ang ECC ang tagapagpatupad ng EC Program na nagbibigay ng nararapat na benepisyo sa mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho. Inihahain ang applikasyon sa SSS o GSIS depende kung saang sector ang manggagawa nabibilang.

 

D. Dupagan – REU 1