“Balbaleg a salamat.” (Maraming salamat)
Ito ang masayang sambit ni Aldeon Glen Garin, 28, ng Bonuan Boquig, Dagupan City matapos niyang tanggapin ang libreng Hip Knee Ankle Foot Orthosis (bilateral) bilang tulong sa kanya ng Employees’ Compensation Commission (ECC).
Iginawad ang orthosis kay Garin na nagkakahalaga ng ₱160,000.00 nitong ika-19 ng Enero bilang bahagi ng rehabilitation services sa ilalim ng EC Program.
“Maraming salamat at masusubukan ko muling makapaglakad nang sa gayon gumaling na rin itong mga bed sores ko dahil sa pagkakaratay sa banig,” pahayag ni Garin.
“Masaya kahit papano dahil hindi kami pinapabayaan. Naipo-provide pa rin namin ang pangangailangan ng mga bata dahil sa tulong ng ECC,” ayon kay Abigail, maybahay ni Garin.
“Ang mga katulad ni Garin na nagkaroon ng work-related accident kung saan nagresulta sa kanyang pagkabalda ay binibigyan natin ng libreng rehabilitation services gaya ng prosthesis, hearing aid, wheelchair at iba pa depende sa kanyang pangangailangan at rekomendasyon ng kanyang doktor,” paliwanag ni Randy Angelo Ponciano, ECC Regional Focal.
Sa layuning tuluyang makapaglakad muli si Garin, siya’y sasailalim din sa libreng physical therapy session sa hospital partner ng ECC sa lungsod ng Dagupan.
“Ang ECC ang hindi lamang natitigil sa pamimigay ng monetary benefits bagkos sisikapin din natin na maibalik sa mga person with work-related disability (PWRD) kung ano ang nawala sa kanila bago sila maaksidente kaya nagbibigay tayo ng libreng prosthesis. Sisikapin din nating maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay kaya mayroon tayong tulong pangkabuhayan para sa PWRDs,” pahayag ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.
Si Garin ay laking minahan kaya minana na rin nito ang trabaho ng kanyang ama bilang isang minero sa Philex Mining Corporation sa Benguet.
Tila isang kisap mata raw ang lahat ng pangyayari noong Disyembre 2016, habang siya’y nasa “underground” bitbit ang semento at bakal nang biglang may bumagsak na malaking tipak na bato sa kanyang ulo. Nadulas at dumagan sa kanya ang bitbit na bakal at semento.
Sa nangyaring aksidente, doon nagsimula ang lahat ng pagbabago sa takbo ng kanyang buhay. Naparalisa at ilang taon ding tanging kama at kuwarto lang umiikot ang kanyang mundo.
Dahil may kinalaman sa kanyang trabaho ang nangyaring aksidente, tumanggap si Garin ng EC sickness benefits sa halagang ₱70,000.00 at buwanang EC permanent disability pension sa halagang six ₱6,000.00 simula pa noong 2017.
“Tanging pamilya ko na lang ang inisip ko sa ngayon na siyang nagpapalakas sa akin,” dagdag pa ni Garin.
D. Dupagan – REU1