Madaling araw noong ika-1 ng Pebrero 2023 nang mahulog mula sa sinasakyang company shuttle ang isang 47-taong gulang na production operator sa Batangas. Papauwi siya noon matapos mag-overtime mula sa kanyang night shift. Nangyari ang aksidente matapos umanong umandar ang company shuttle nang hindi maayos na nakasarado ang pintuan nito.

Dahil dito ay nagtamo ang naturang manggagawa ng muscle strain sa likuran at balakang kung kaya’t hindi siya nakapagtrabaho sa loob ng 34 na araw. Para sa mga araw na ito ay nakatanggap siya mula sa Employees’ Compensation Program (ECP) ng EC sickness benefit na nagkakahalaga ng mahigit P9,000. Bukod pa ito sa SS sickness benefit na kanya ding natanggap.

Ang EC sickness benefit o EC temporary total disability benefit ay ang benepisyong ibinibigay ng ECP sa isang manggagawa para sa mga araw na hindi siya nakapagtrabaho dahil sa anumang pagkakasakit o aksidente na may kaugnayan sa kanyang trabaho. Katumbas ito ng 90% ng average daily salary credit ng manggagawa.

Nakatanggap din ang nasabing manggagawa ng EC cash assistance na P10,000. Ito ay karagdagang benepisyo na bigay ng Employees’ Compensation Commission (ECC) para sa mga persons with work-related disability (PWRD).

Sa ilalim ng Employees’ Compensation Program ay may kaukulang benepisyo ang mga pagkakasakit, aksidente, o pagkamatay na may kaugnayan sa trabaho. Kabilang dito ang mga aksidente na nangyari habang papasok o pauwi sa trabaho ang isang manggagawa o habang sakay siya ng company service vehicle.

 

J. Romasanta REU 4A