“Dumating ang ECC sa panahong nawawalan na ako ng pag-asa. Ang mga benepisyo at serbisyo mula sa ECC ang nagsisilbing mga paa ko para makabangon muli at masayang hinaharap ang bukas. Lubos akong nagpapasalamat sa kaloob niyong therapy sessions, prosthesis, livelihood training at starter kit,” saad ng EC benepisaryo ng ECC.
Taong 2016 ng maaksidente ang isang warehouse staff habang siya ay papasok ng trabaho. Nabangga siya ng motor at sa kasawiang palad ay nagulungan ng truck ang kanyang paa na naging sanhi upang putulin ang kanyang kanang binti.
Dahil sa nangyaring insidente ay dinala siya ng isang trakysikel drayber sa pinakamalapit na ospital. Pagkatapos ng naging operasyon at habang siya ay nagpapagaling, kinausap siya ng doktor at pinayuhan na mag-file ng EC claim sa SSS.
Naaprubahan ang kanyang EC sickness benefit sa halagang ₱18,300. Maliban dito ay nakakuha rin siya ng lump sum benefit para sa kanyang Permanent Partial Disability (PPD).
Bukod sa EC sickness at disability benefit ay nakatanggap din siya mula sa ECC sa pamamagitan ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program ng EC cash assistance na nagkakahalagang ₱10,000. Sumailalim rin ang nasabing empleyado sa libreng physical at occupational therapy sessions sa Philippine General Hospital (PGH) at pinagkalooban ng prosthetic leg sa halagang ₱120,000.
“Isa rin sa mga layunin ng KaGabay Program ng ECC ang matulungan at mabigyan ng pagkakataon ang mga Persons with Work-Related Disabilities (PWRDs) na makabalik muli sa trabaho o makapagsimula ng sariling negosyo,” saad ni ECC OIC-Executive Director Jose Maria Batino.
Noong February 2022, sumailalim ang nasabing empleyado sa isang livelihood seminar na inorganisa ng ECC sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Dahil na rin dito ay nabigyan siya ng livelihood starter kit sa halagang ₱20,000.00 bilang panimula sa kanyang magiging negosyo na agriculture-poultry supplies and general merchandise.
Nitong ika-10 ng Pebrero 2023, ginawaran ng ECC ang nasabing empleyado ng ₱10,000.00 na complementary kit bilang pagkilala sa determinasyon at pagsisikap niya na mapalago ang kanyang negosyo.
“ECC ang nagbigay sa akin ng bagong pag-asa. Naranasan ko ang ma-discriminate habang naghahanap ng trabaho. Natakot ako sa ideya na baka hindi na muli pang makahanap ng trabaho at hindi ko na magampanan ang tungkulin ng isang haligi ng tahanan. Hindi man kagaya sa dati ang naging kalagayan ko ngayon ay lubos pa rin akong nagpapasalamat sa ECC. Dahil dito ay nakalakad akong muli at nakapagsimula na ng sariling negosyo. Salamat sa poong maykapal at sa pamunuan na din ng ECC, walang sawa kayong tumutulong, gumagabay at umaalalay sa mga katulad kong naaksidente nang dahil sa trabaho,” saad ng nasabing empleyado.
“Ang ECC ay laging handang tumulong sa mga manggagawang Filipino. Patuloy kaming magbibigay ng mga benepisyo at iba’t-ibang serbisyo na tutugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa sakaling sila ay magkasakit o maaksidente nang dahil sa trabaho,” pahayag ni OIC-Executive Director Batino.
J. Cañedo – CO