Inaprubahan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang EC sickness benefit ng isang assistant cook sa barko matapos maaksidente habang nasa trabaho noong Marso 2019.
Ayon sa accident report ng kanilang kumpanya, ang naturang empleyado ay naghahanda na para sa tatlumpung minutong break sa trabaho ng hindi sinasadyang malaglag ito habang pababa sa hagdanan.
Dahil sa nangyari, agad itong isinugod sa pinakamalapit na ospital. Ayon sa doktor, may nakitang sangkap ng alak sa kanyang hininga.
Noong Hulyo 2019, nagsumite ng mga dokumento para sa sickness benefits ang nasabing empleyado sa Social Security System (SSS) Kalookan Branch. Hindi naaprubahan ang kanyang aplikasyon sa kadahilanang ang pagkalasing o pagkalango sa alak ay isa sa mga tinatawag na “excepting circumstances” sa pag-apruba ng EC claims.
Taong Hunyo 2021 naman na ang naturang kaso ay inapela sa ECC matapos na hindi ito aprubahan ng SSS.
Ipinasya ng ECC na aprubahan ang aplikasyon ng naturang empleyado upang matanggap ang kanyang kaukulang EC sickness benefits.
Ayon sa ECC, ang isang empleyado na naaksidente habang nasa trabaho o habang nasa oras ng pahinga at habang kumakain ay pwedeng makakuha ng benepisyo sa ilalim ng EC Program.
Bukod pa dito, hindi sapat na basehan ang nakitang sangkap ng alcohol sa kanyang hininga para masabing siya ay nakainom o lango sa alak. Wala ding sapat na katibayan na lasing ang nasabing empleyado, dahilan para hindi niya magawa ng maayos ang kanyang trabaho.
Sapat na ring ebidensya ang mga pinasang dokumento ng kumpanya, tulad ng accident report, EC logbook at medical records para maaprubahan ang kanyang EC sickness benefits.
Ang nasabing empleyado ay makakatanggap ng EC sickness benefits at napagpasyahan din ng ECC na siya ay mabigyan ng reimbursement para sa kanyang mga nagastos sa pagpapa-ospital at pagpapagamot.
Gustong ipabatid ng ECC na ang pag-iwas sa mga aksidente at sakit sa lugar ng trabaho ay mas mahalaga kaysa sa anumang kompensasyon. Ito dapat ang pinaka-priyoridad ng lahat ng mga employer at manggagawang Pilipino.
JOC – CO