“Kahit anong ingat pala natin ay sadyang may mga aksidente na hindi maiiwasan. Buti na lang nandyan ang ECC na handang tumulong at magbigay ng mga benepisyo sa mga empleyadong nagkasakit, naaksidente o namatay nang dahil sa trabaho,” saad ni Herbert Olleres, benepisaryo ng ECC.

Disyembre 2015 nang maaksidente habang papasok ng trabaho si Herbert Olleres, 53 taong gulang mula sa Marilao, Bulacan at dating mekaniko sa Ramcar Technology Incorporated. Isang umaga, habang nagmomotorsiklo papasok ng trabaho si Olleres, aksidente niyang nabunggo ang isang aso na naging sanhi ng pinsala sa kanyang kanang tuhod.

Dahil sa nangyaring aksidente ay napagpasyahan ni Olleres na mag-file ng EC claim sa SSS. Naaprubahan ang kanyang EC sickness benefit at nabigyan din siya ng buwanang pensyon para naman sa kanyang EC Permanent Partial Disability (EC-PPD).

Bukod sa EC sickness at disability benefit ay sumailalim din si Olleres sa libreng physical at occupational therapy sessions sa University of the East Ramon Magsaysay (UERM) Memorial Medical Center. Ang nasabing therapy sessions ay nagkakahalaga na P 15,150.00 at may kalakip pang transportation and meal allowance kada session.

Kabilang din si Olleres sa mga sumailalim sa entrepreneurial training na inorganisa ng Employees’ Compensation Commission (ECC) sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology (DOST). Bukod sa nasabing training ay nakatanggap din siya ng livelihood starter kit na nagkakahalagang ₱20,000.00 para sa pagsisimula ng kanyang magiging negosyo na sari-sari store.

“Ang mga benepisyo at serbisyo na ibinibigay ng ECC ay may adhikain na tumugon sa mga pangangailangan ng mga persons with work-related disabilities (PWRDs). Layunin din ng mga programa ng ECC na matulungang makabangon muli ang mga PWRDs sa iba’t-ibang aspeto ng buhay,” pahayag ni ECC Executive Director Kaima Via B. Velasquez.

Ayon kay Olleres, “Lubos ang aking pasasalamat sa mga naitulong ng ECC. Dahil sa ahensyang ito ay naramdaman ko na isa akong produktibong mamamayan. Asahan niyong palalaguin ko ang negosyong natanggap mula sa ECC.”

 

 

J. Cañedo – C.O.