Matapos matanggap ang ₱10,000.00 na complementary kit mula sa Employees Compensation Commission (ECC) noong ika-6 ng Hunyo 2022, nakapamili si Monina Hernani ng mga panindang damit. Ito ay pandagdag niya sa kanyang sari-sari store na napalago niya gamit naman ang ₱20,000.00 starter kit na ibinigay ng ECC noong Nobyembre 2019.
Sa pag-uwi ni Hernani sa Bicol ngayong Hulyo ay dala niya ang ilan sa mga napamiling produkto habang pansamantalang maiiwan sa kanyang anak ang pangangalaga ng kanilang tindahan sa San Pedro, Laguna. Sa ilang buwan niyang pananatili sa Bicol, plano niyang ituloy doon ang pagbebenta ng mga damit at ng iba pang uri ng produkto tulad ng pabango. Ayon sa kanya, nais niyang sulitin ang oportunidad na makapagnegosyo sa kanilang lugar.
Nagtatrabaho noon si Hernani bilang isang raw material technician sa isang kumpanya sa Biñan, Laguna. Noong ika-6 ng Abril 2018, habang papasok sa trabaho ay nabangga ng kotse ang company shuttle na kanyang sinasakyan kasama ang ilan pa niyang katrabaho.
Dahil sa aksidente ay nagtamo si Hernani ng sugat at bali sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Noong ika-27 ng Setyembre 2018, nakakuha siya ng EC sickness benefit para sa mga araw na hindi siya nakapagtrabaho.
Sa ilalim ng ECC Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program, sumailalim din si Hernani sa mga libreng physical therapy session. “Ako po ay nagpapasalamat sa mga natanggap kong tulong mula sa ECC tulad ng physical therapy. Malaking tulong po ito sa akin para bumalik sa normal ang aking pagkilos,” sabi ni Hernani.
Nakabalik si Hernani sa trabaho pero kalaunan ay napasama sa retrenchment ng kumpanya noong Setyembre 2019. Kaya naman, laking pasasalamat niya ng matanggap ang starter kit mula sa ECC noong Nobyembre 2019.
“Nagpapasalamat din ako sa naibigay na tulong pangkabuhayan ng ECC na hanggang ngayon ay aking napapakinabangan. Ang natanggap kong complementary kit ay ilalaan ko sa negosyong dry goods bukod sa naumpisahan kong sari-sari store. Patuloy pa sanang makatulong ang ECC sa mga tulad kong PWRDs,” dagdag pa ni Hernani. Nakakuha din siya ng ₱10,000.00 na EC cash assistance mula sa ECC.
Sa ilalim ng EC Program ay may kaukulang mga benepisyo na matatangap ang mga manggagawa na naaksidente nang dahil sa kanilang trabaho. Kabilang dito ang mga aksidenteng naganap habang ang isang manggagawa ay papasok o pauwi galing sa trabaho o habang sakay ng kanilang company service vehicle.
J. Romasanta – REU4A