Lubos ang aking pasasalamat sa ECC na bagamat nakabalik ako sa trabaho ay tuloy-tuloy pa rin ang mga benepisyo at serbisyo na ipinagkakaloob nila sa akin. Sa ngayon ay nag-aundergo ako ng physical therapy at nakalinya na ring bigyan ng puhunan para sa aking sari-sari store,” saad ni Wilbert Mungag.

Isang lineman si Wilbert Mungag sa Oriental Mindoro Electric Cooperative, Inc. (ORMECO), electric utility company sa Pinamalayan, Oriental Mindoro. Taong 2022, habang pinapalitan nila Mungag ang sirang poste ay aksidente niyang nahawakan ang sirang kable dahilan para siya ay makuryente.

Dahil sa nangyari, agad sinugod sa pinakamalapit na hospital si Mungag. Habang siya ay nagpapagaling, pinayuhan si Mungag ng kanilang HR na mag-file ng EC benefit sa Social Security System (SSS). Bukod dito ay tinulungan din siya ng kanilang kumpanya na maproseso at maasikaso ang mga dokumentong kailangan sa pagfile ng EC claim.

Naaprubahan ang kanyang EC sickness benefit sa halagang ₱57,600 at hindi kalaunan ay nakabalik din siya sa trabaho. Bukod dito ay nakakuha din siya ng EC Permanent Partial Disability benefit (EC-PPD) na nagkakahalagang ₱85,426.13. Pinagkalooban din siya ng nagkakahalagang ₱10,000 EC cash assistance at prosthetic arm sa halagang ₱79,000.

Sa kasalukuyan ay sumasailalim si Mungag sa libreng physical at occupational therapy sessions sa Maria Estrella General Hospital. Sa kabilang banda naman ay natapos niya ang virtual livelihood seminar na inorganisa ng ECC sa pakikipagtulungan na rin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong Mayo 11, 2023.

Pagkatapos ma-assess ang kanyang business plan proposal ay gagawaran na si Mungag ng EC livelihood starter kit sa ilalim ng ECC’s Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program. Kapag napalago niya ang pangkabuhayang binigay ng ECC ay maaari na rin siyang makatanggap ng EC complementary kit. Ang complementary kit na ito ay binibigay bilang pagkilala sa determinasyon at pagsisikap ng mga PWRDs na mapalago ang kanilang negosyo.

Sa ilalim ng EC Program, ang mga manggagawa na nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho ay makakatanggap ng EC benefit. Maaari silang makakuha ng EC sickness o disability benefit, EC medical reimbursement kung may gastusing medikal, EC cash assistance, rehabilitation services, EC livelihood starter kit at complementary kit,” saad ni ECC OIC-Executive Director Jose Maria S. Batino.

Bukod sa KaGabay Program ay may panibagong programa ang ECC na tinatawag na Return to Work Assistance Program (RTWAP). Layunin ng programang ito na matulungang makabalik o maibalik sa trabaho ang mga Persons with Work-Related Disabilities (PWRDs). Isang malaking bagay ito sa kanila upang makabangon muli at maging isang produktibong manggagawang Filipino,” dagdag pa ni ECC OIC-ED Batino.

 

JOC – CO

With reports from ECC-REU 4B Information Officer II Ruth B. Calinao