Apat na persons with work-related disabilities (PWRDs) mula sa Rehiyon 4A ang nabigyan ng Employees’ Compensation Commission Regional Extension Unit 4A (ECC-REU 4A) ng libreng assistive devices sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan or KaGabay Program (KaGabay) Program nitong Setyembre 1, 2023.

Sina Edwin Llamado, Richson Mabilangan, Calixto Pamplona, at Emerson Mamba ay pawang mga manggagawa na naaksidente habang nagtatrabaho.

Si Llamado ay nagtatrabaho noon sa pagawaan ng hollow blocks nang maipit sa nililinis na mixer ang kanyang kanang paa noong 2018. Sa kasamaang palad, kinailangang putulin ang ibabang bahagi ng kanyang binti. Mula sa dating paggamit ng saklay ay maayos nang makalalakad si Llamado gamit ang natanggap na above-knee prosthesis.

Samantala, si Mabilangan ay nakatanggap ng foot orthosis para sa kanang binti na nabali noong 2019 sa aksidente sa motorsiklo habang nagtatrabaho bilang delivery rider. Noong 2020 ay nakatanggap siya ng ECC livelihood starter kit na ₱20,000.00 para sa kanyang e-loading business.

Sa ikalawang pagkakataon naman ay nabigyan ng ECC si Pamplona ng below elbow prosthesis. Taong 2016 nang una niyang matanggap ang kaparehong uri ng prosthesis na ngayon ay nasira na sa kalumaan. Dating machine operator si Pamplona na noong 2014 ay naputulan ng bahagi ng kaliwang braso matapos itong maipit sa grinder machine.

Nabigyan naman ng cosmetic hand glove si Mamba, na production leader sa isang manufacturing company. Taong 2021 nang maputulan siya ng apat na daliri sa kanang kamay matapos itong aksidenteng maipit ng stamping machine habang nagtatrabaho.

Bukod sa mga assistive devices ay nauna nang makatanggap ng kani-kanilang EC Sickness at EC disability benefits ang mga naturang PWRD. Nabigyan din sina Llamado, Mabilangan, at Mamba ng ₱10,000.00 na EC cash assistance.

Ang mga kagaya nilang manggagawa na nangangailangan ng assistive devices o ng therapy dahil sa sakit o aksidente na may kaugnayan sa trabaho at may approved nang EC sickness benefit na mula sa Social Security System (SSS) o Government Service Insurance  System (GSIS) ay maaaring magtungo sa tanggapan ng ECC upang makatanggap ng mga naturang serbisyo.

Gayunpaman, sa kabila ng mga benepisyong maaaring maasahan ng mga manggagawa sa ilalim ng EC Program, patuloy ang ECC sa pagpapaalaala sa lahat ng mga kumpanya at employer na tiyaking nakapagbibigay ng ligtas at malusog na lugar trabahuhan sa mga manggagawa.

 

J. Romasanta – REU 4A