“Ang sarap sa pakiramdam na may ECC na tumutulong sayo sa panahon ng problema katulad nito. Hindi ko ine-expect na ganito kalaki ang tulong nila sa mga trabahador na na-disgrasya tulad ko. Maraming salamat sa lahat ng tulong,” sabi ni Renel V. Camolista na nakatanggap ng lumbar support galing sa Employees’ Compensation Commission (ECC) sa ilalim ng programa ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay).
Si Camolista ay 35 taong gulang na nagtatrabaho bilang isang chef sa isang hotel sa General Santos City. Noong alas-4 ng hapon ng Oktubre 2022, habang siya ay naghahanda ng pagkain para sa isang kaganapan, nakaranas siya ng pamamanhid at matinding pananakit sa kanyang likuran matapos na magbuhat ng isang malaking kaldero na may bigat na humigit-kumulang 30-40 kilos. Kinalaunan nagresulta ito sa pagkaroon niya ng pananakit sa ilalim na bahagi ng kanyang likuran o lumbar spinal stenosis.
Bukod sa monetary benefits na natanggap niya na EC sickness sa Social Security System (SSS) na nagkakahalaga ng ₱5,610.00 at EC cash assistance na ₱10,000.00, sumasailalim din si Camolista sa libreng konsultasyon at physical therapy (PT) sessions sa St. Elizabeth Hospital Inc., accredited hospital ng ECC sa pagbibigay ng physical o occupational therapy. Sa kasalukyan, ay nakatanggap na siya ng dalawang konsultasyon at siyam na PT sessions.
Binigyan din siya ng ECC ng libreng lumbar support na nagkakahalaga ng ₱2,170.00 na magagamit niya para sa kanyang tuluyang paggaling.
“Katuwang ng bawat manggagawang Pilipino ang ECC sa panahon na sila ay magkaroon ng sakit o kaya’y aksidente sa kanilang lugar ng paggawa,” saad ni OIC-Executive Director Jose Maria S. Batino. “At dahil sa pagbibigay ng mga assistive devices at prostheses natutulungan ng ECC ang ating mga persons with work-related disability (PWRDs) upang maibalik ang kanilang dating pangangatawan, hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi maging aktibong myembro n gating ekonomiya.”
Layunin ng programang KaGabay na matulungan ang mga PWRDs na makabalik muli sa trabaho o makapagnegosyo sa pangunahing ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng session para sa pisikal na terapiya at mga kasangkapan gaya ng mga prosthesis at iba pa.
K. Daga – REU 12