Inaprubahan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang pagbigay ng disability benefits sa isang hotel canvasser sa Ilollo City na naaksidente habang lunchbreak at pabalik sa trabaho mula sa kanilang bahay.
Ayon sa ulat ng pulisya, sa ganap na ika-12:35 ng hapon noong Setyember 5, 2017, isang aksidente ang nangyari sa pagitan ng isang pampasaherong dyip at ang minamanehong motorsiklo ng canvasser sa kahabaan ng Brgy. San Nicolas, Oton, Iloilo. Dahil sa banggaan, agad isinugod sa ospital ang canvasser para magamot at maobserbahan ang natamong pinsala at mga bali sa kanyang kanang tuhod.
Dahil sa nangyari, naghain ang canvasser ng SSS at EC claim sa Social Security System (SSS) IloIlo Central branch. Naaprubahan ang kanyang SSS sickness benefits ngunit na-deny ang kanyang EC claim.
Ayon sa SSS, nabigo ang canvasser na matugunan ang mga kwalipikasyon na ibinigay sa ilalim ng panuntunang “Nangyari ang aksidente o sakit nang dahil sa trabaho o habang ginagampanan ang tungkulin sa trabaho” dahil habang siya ay nanananghalian, naisipan niyang umuwi ng bahay para kuhanin ang naiwang pitaka, habang pabalik sa trabaho ay doon na nga nangyari ang aksidente.
Nang inapela ang kaso, nagdesisyon ang ECC pabor sa empleyado. Ayon sa Komisyon, ang aksidenteng kinasangkutan ng manggagawa ay nasasaklaw ng panuntunang “Nangyari ang aksidente nang dahil sa trabaho o habang ginagampanan ang tungkulin sa trabaho.”
Ipinaliwanag ng ECC na ang nangyaring insidente ay naganap sa oras ng pahinga o “lunchbreak” ng manggagawa, anumang aksidente ang mangyari sa oras na iyon ay masasabing work-related. Batay din sa imbestigasyon, malinaw ang insidente ay naganap sa loob ng animnapung (60) minuto o isang (1) oras na time-off o breaktime para sa regular na pagkain o lunchbreak at ng pabalik na sa opisina ang manggagawa nang maganap ang aksidente.
Ang ECC ay nagpasyang ipagkaloob sa hotel canvasser ang EC disability benefits kasama na ang reimbursement ng out-of-pocket na gastusing medikal alinsunod sa Presidential Decree No. 626.
May rehabilitasyon at iba pang mga serbisyo na makukuha sa Work Contingency Prevention and Rehabilitation Division (WCPRD) ng ECC ang mga naaksidente o nagkasakit nang dahil sa trabaho.
J. Cañedo – M.O.