Sang ayon sa direktiba ni Labor Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz, ang Employees’ Compensation Commission (ECC) bilang tagapagbalangkas ng patakaran at nagtutugma-tugma ng mga programa sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP), ay hindi dapat ituon lang sa pagbibigay ng perang benipisyo para sa mga nagkasakit o naaksidente ng dahil sa trabaho kundi tiyakin na ang occupationally-disabled workers (ODWs) ay magkaroon ng normal na pamumuhay.
Tugon sa layuning ito at nang mabigyang diin ang programa, ang ECC ay gumawa ng katagang “Higit pa sa Benepisyo ang Ibinibigay na Serbisyo”. Ang susi para matugunan ang layuning ito ay sa pamamagitan ng case management. Pag natukoy na ang ODW, sinisigurado ng ECC na ibigay ang karampatang serbisyo sa ilalim ng ECP sang-ayon sa pangangailangan ng bawat ODW. Simula sa pamamahagi ng occupational o physical therapy, pagbibigay ng prosthesis para sa nangangailangang ODWs, ang KaGabay Program o ang skills training at livelihood training para sa gustong pumasok sa trabaho o pagnenegosyo at ang “Special Program for the Employment of Students” (SPES) na layuning makapagbigay trabaho sa mga kwalipikadong anak ng ODWs tuwing Christmas at summer breaks.
Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga ODWs na nabigyan ng tulong ng ECC sa pamamagitan ng KaGabay Program.
Si Jeffrey Calingcoy, 21-taong gulang na taga-Zamboanga City, ay dating nagtatrabaho sa fish port bago naputulan ng paa dahil sa trabaho. Sa tulong ng KaGabay Program ay nabigyan siya ng naaayong training sa TESDA at nakipagsangguni ang ECC sa kanyang dating pinagtatrabahuhan na naging tulay sa kanyang pagkatanggap ulit sa trabaho.
Isang seaman naman si Aldrin Ojastro, 43-taong gulang na taga-Cavite, ay naaksidente sa pinagtatrabahuhang barkong pandagat. Siya ay nabigyan ng entrepreneurial course sa “goat raising” sa Nego-Skwela. Nag umpisa siyang nag alaga ng tatlong (3) pares ng kambing na napalago niya sa limampung (50) kambing sa kasalukuyan. Siya ngayon ay naghahanap ng mga mamasukan para tulungan sya sa pag-aalaga ng kambing.
Si Danilo Cabar, 34-taong gulang na taga-Muntinlupa, isang machine operator na naputulan ng kanang kamay habang nasa trabaho, ay nabigyan ng “below elbow prosthesis” at sumailalim sa physical therapy sa Philippine General Hospital. Si G. Cabar ay nagnenegosyo ngayon ng slimming tea products.
Si Deonard Vicera, 32-taong gulang na taga-Cavite, isang machine operator na empleyado ng KEA Industrial Corporation ay naputulan ng dalawang daliri sa kamay na naging dahilan sa kanyang pagkakatanggal sa trabaho. Sumailalim si G. Vicera sa physical therapy at nabigyan ng “high definition cosmetic gloves” para sa kanyang kamay. Sa tulong ng ECC, natanggap ulit siya bilang machine operator sa dating pinapasukang kompanya.
Ilan lang lamang sila sa mga nabiyayaan ng KaGabay Program. Sa taong 2012, mahigit kumulang 82 ODWs ang nabigyan ng physical therapy at occupational therapy sa mga hospital na accredited ng ECC, tulad ng Philippine General Hospital, Orthopedic Hospital, at iba pa. Nasa labing anim (16) naman ang nabigyan ng artificial prosthesis at isang daan (100) ang nabigyan ng livelihood courses at entrepreneurship training.
Ang halagang nailabas ng ECC para sa mga nabanggit na programa ay umabot sa P1,127,630.00 para sa mga therapy sessions at P1,056,930.00 para sa mga artificial prosthesis.
Patuloy ang pagpapatupad ng ECC ng mga programang tumutulong sa mga ODWs at kanilang mga pamilya sa pagpapalaganap at pagpapalawak ng mga serbisyo sa ilalim ng Employees’ Compensation Program upang mabigyang buhay ang katagang “Higit pa sa Benepisyo ang Ibinibigay na Serbisyo.”