Ilocos Sur – Bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga sundalong pumoprotekta sa kasarinlan ng bansa laban sa mga makakaliwang grupo, ang Employees’ Compensation Commission (ECC) ay namigay kamakailan ng tulong pinansyal sa sundalong sugatan sa engkwentro sa pagitan ng Philippine Army (PA) at ng Kilusang Larangang Guerilla – South Ilocos Sur (KLG SIS).
Ayon kay PFC Randolf Collado, residente ng Natividad, Pangasinan, nasabugan siya ng improvised explosive device (IED) nang kanilang makaengkwentro ang grupo ng NPA sa Barangay Dili, Sta Cruz, Ilocos Sur.
Una siyang dinala sa Candon City para sa paunang lunas bago inilipad sa Fort Magsaysay Hospital sa Nueva Ecija kasama ng iba pang sugatan. “Malaking tulong ito para sa aking maintenance. Masaya ako kahit paano dahil may tulong at may maibibigay rin ako sa aking misis,” pahayag ni Collado nang kanyang tanggapin ang tseke ng EC cash assistance na nagkakahalaga ng ₱10,000.
Ibinigay ang nasabing tulong pinansyal sa mismong tanggapan ng ECC sa pamamagitan ng mga kawani ng ECC Regional Extension Unit (REU) 1 sa San Fernando City, La Union.
“Ang mga uniformed personnel na sugatan at maging mga benepisyaryo ng mga nasawi sa engkwentro ay tatanggap ng nararapat na benepisyo sa ilalim ng EC Program. Maliban sa EC cash assistance na nagkakahalagang ₱10,000.00 para sa mga nagtamo ng sugat habang ₱15,000.00 naman para sa mga pamilya ng namatay maliban dito tatanggap rin sila ng funeral benefits sa halagang ₱30,000.00 at buwanang death pension mula sa ECC,” paliwanag ni Information Officer Dexter Dupagan.
Sa kabila ng pagkahiwalay sa GSIS ng mga uniformed personnel gaya ng AFP, PNP, BFP at BJMP, sila ay sakop pa rin ng EC Program sa ilalim ng Presidential Decree 626 o Employees’ Compensation and State Insurance Fund.
Ang ECC ay isang ahensya ng gobyerno na nasa ilalim ng Kagawaran ng Paggawa at Empleo. Mandato nito na magbigay ng angkop at nararapat na benepisyo sa mga nagkasakit, o naaksidente nang dahil sa trabaho o sa benepisyaryo nito kung ang manggagawa ay namatay na may kaugnayan sa trabaho.
D. Dupagan – REU1