“May kapansanan man sa kanilang paningin, may silbi pa rin,” ito ang pinanghawakan ni Michael Flores ng Urbinztondo, Pangasinan upang ipagpatuloy ang laban sa buhay.
Dahil sa aksidente sa trabaho, naputulan siya ng kanang braso noong Agosto 2018.
Aminado siyang nabawasan ang kumpiyansa sa sarili at nawalan ng pagasa simula nang mangyari ang malaking hamon sa kanyang buhay.
Sa tulong ng Employees’ Compensation Commission (ECC), binigyan siya ng libreng prosthesis noong 2019 na nagkakahalga ng Php 125,000.00 maliban pa sa kanyang natanggap na tulong pinansiyal at EC sickness benefits.
“Hindi na ako nahihiya na lumabas kasi nagkaroon na ako ng confidence. Masarap sa pakiramdam,” pahayag ni Flores.
Dahil kwalipikado rin si Flores sa Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program ng ECC, binigyan siya ng puhunan sa halagang Php 20,000.00 pesos matapos sumailalim sa livelihood training.
Sa ipinagkaloob na tulong pangkabuhayan ng ECC, nagkaroon siya ng sari-sari store at barbeque stand sa kanilang lugar.
Simula noong Oktubre 2019 nang sinimulan niya ang kanilang maliit na negosyo, ngayon nakakapagipon na siya.
Mula sa dating tinitinda na barbeque, nadagdagan na rin ang kanyang mga paninda gaya ng fish ball, kikiam at kwek-kwek.
Sa tulong ng kanyang asawa at ng kanyang pamilya, umaasenso na rin ang kanyang hanapbuhay sa kabila ng nararanasang pagsubok ngayong pandemya.
Mula sa kanyang mga ipon, nakabili silang magasawa ng dalawang baboy na kanilang inaalagaan sa ngayon.
“Sa aming kumustahan session sa pamamagitan ng video call, nakita ko ang malaking pagasenso kumpara noong unang araw kaya inirekomenda ko siya para sa complementary kit upang mas matulungan pa siya,” ayon kay Randy Angelo Ponciano ng ECC-Regional Extension Unit 1.
“Lahat ng PWRDs na may kasalukuyang livelihood projects na pinunduhan ng ECC ay maaaring makatanggap ng complementary kit sa halagang Php 10,000.00.”
Ayon kay Executive Director Stella Zipagan-Banawis, “Ngayong pandemic hindi na kailangang maghintay nang matagal ang mga PWRDs dahil kung kinakitaan namin sila ng paglago sa kanilang negosyo, kahit sa loob lamang ng tatlong buwan ay maaari na rin silang makatanggap ng complementary kit bilang tugon sa panawagan ng ating Presidente ng maibsan ang dulot ng pandemya sa ating mga benepisyaryo.”
Ang kuwento ni Michael Flores ay patunay lamang na walang imposible lalo na kung may pamilya na handang magbigay suporta sa iyong pagbangon.
Ang dating helper, negosyante na ngayon. Nakabangon dahil sa tulong ng ECC.
D. Dupagan – REU1