Si Amador Daluyin, PWRD, at ang mga napamili niyang gamit sa paghihinang na nagkakahalagang ₱20,000.00 para sa kanyang panimulang kabuhayan bigay ng ECC-KaGabay Program.

Hindi naging dahilan ang mahabang panahong na lumipas matapos ang aksidente sa trabaho upang hindi na makatanggap pa si Amador Daluyin, dating opereytor ng makina, ng mga benepisyo sa ilalim ng  Employees’ Compensation Commission Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (ECC-KaGabay) Program

Nito lamang ika-18 ng Hulyo 2022, makalipas ang 28 taon matapos maputulan ng kanang braso dahil sa aksidente sa trabaho, ay nakuha ni Daluyin ang ₱20,000.00 na panimulang kabuhayan mula sa ECC na siyang pinambili niya ng mga kagamitan para sa paghihinang.

Noong ika-27 ng Mayo 1994, naaksidente sa trabaho si Daluyin noon siya ay 28 taong gulang pa lamang. Nagtatrabaho siya bilang opereytor ng makina sa isang kumpanya ng pagmamanupaktura sa Calamba, Laguna nang sumabit ang kanyang safety gloves sa nililinis niyang makina hanggang sa tuluyang maipit ang kanyang kamay. Sa kasamaang palad ay kinailangang putulin ang bahagi ng kanyang kanang braso.

Bagamat nakatanggap na noong 1994 ng kanyang EC sickness benefit at ng EC permanent partial disability (PPD) pension mula noong 1994 hanggang 1998, taong 2021 lamang nang nalaman ni Daluyin ang tungkol sa ECC-KaGabay Program mula sa isang person with work-related disability (PWRD) na isang benepisyaryo ng KaGabay Program.

Matapos magpagaling ay nakabalik pa noon sa trabaho si Daluyin sa dating kumpanya bilang isang warehouseman pero pagkatapos ng isang taon ay nawalan na rin siya ng trabaho. Kalaunan ay pinili na niyang bumalik sa pag-aaral sa kolehiyo na isinabay niya sa kanyang pagpapastor dahil wala na umanong tumanggap sa kanya sa trabaho. Di nagtaggal tumuloy din siya sa pagkuha ng Master’s Degree at nagturo sa kolehiyo hanggang mapagdesisyunang niyang tutukan na lamang ang pagpapastor mula noong 2016.

Para sa ginawad na tulong pangkabuhayan ng ECC, pinili ni Daluyin na magsimula ng sariling negosyo sa paghihinang dahil nakapagtapos din siya noon ng kursong teknikal patungkol sa makina at paghihinang bago pa mangyari ang aksidente.

Sa ngayon ay gamit niya ang lumang prosthesis na ibinigay pa sa kanya noon ng dating kumpanyang pinagtatrabahuhan. Sa ilalim pa rin ng EC KaGabay Program ay nakatakda siyang masukatan para sa tatanggaping niyang bagong prosthesis ngayong taon.

Layunin ng EC KaGabay Program na matugunan ang PWRDs ng pangangailangang pang-rehabilitasyon. Ilan sa mga serbisyong ibinibigay dito ay ang libreng pisikal o occupational therapy, prosthesis, livelihood trainings, at tulong pinansyal para sa pangkabuhayan. Kwalipikado na makatanggap nito ay ang mga PWRDs na nakatanggap o kasalukuyang nakatatanggap ng benepisyong EC Permanent Partial Disability (PPD) o EC Permanent Total Disability (PTD).

J. Romasanta – REU4A