“Masaya at muli ako nagka-kumpiyansa sa aking sarili.”
Tunay ngang walang anumang hadlang sa taong determinado. Ito ang pinatunayan ni James Philip Esguerra ng Bonuan Binloc, Dagupan City.
Dalawang taon na ang nakaraan nang maputulan si Esguera ng kanang kamay dahil sa nangyaring aksidente sa kanyang pinapasukang pabrika bilang isang opereytor ng makina. Dahil dito, biglang nabago ang takbo ng kanyang buhay.
Sa tulong ng Employees’ Compensation Commission (ECC), muling naging kapakipakinabang sa lipunan si Esguerra dahil siya’y ganap ng negosyante ngayon.
Noong Nobyembre 2021, nakatanggap si Esguerra ng puhunan para sa kanyang livelihood assistance na nagkakahalagang ₱20,000.00 mula sa ECC. Ang nasabing assistance ay ginamit niya para sa kanyang bigasan na sa ngayon ay patuloy na lumalago. Dahil sa kita ng kanyang bigasan, nakabili siya ng 50 na manok. Ibinibenta niya ang mga manok na ito pati na rin ang mga itlog nito. Bukod dito ay nakabili na din siya ng tatlong kambing mula sa kanyang mga kinita.
Nauna na rito, si Esguerra ay nakatanggap ng halagang mahigit ₱20,000.00 para sa kanyang EC Permanent Partial Disability (PPD) benefits.
Noong ika-10 ng Nobyemre 2022, pormal nang iginawad ng ECC sa kanya ang libreng below elbow prosthesis na nagkakahalagang ₱83,000.00.
Ang libreng prosthesis at livelihood assistance ay bahagi lamang ng benepisyo gawad ng ECC sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program.
“Ang KaGabay Program ay karagdagang tulong ng ECC sa mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho. Hindi lamang tulong pinansiyal ang ibinibigay ng ECC kundi pati na rin ang iba pang mga serbisyo at benepisyo na kailangan at nararapat para sa mga Persons with Work-Related Disabilities (PWRDs). Layunin ng KaGabay Program na matulungan at mabigyan ng pagkakataon ang mga PWRDs na makabalik muli sa trabaho o makapagsimula ng sariling negosyo,” paliwang ni ECC OIC- Executive Director Jose Maria S. Batino.
“Kahit na may ECC, iba pa rin ang maging maingat tayo dahil ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga manggagawa ang ating prayoridad,” ayon pa kay ED Batino.
Ang Employees’ Compensation Commission ay isang ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho. Kung sakaling namang namatay ang manggagawa nang dahil sa trabaho, ang EC benefits naman ay ibibigay sa kanyang benepisyaryo. Inihahain ang aplikasyon ng EC benefits sa Social Security System (SSS) para sa mga pribadong sektor at sa Government Service Insurance System (GSIS) naman para sa mga nasa pampublikong sektor.
D. Dupagan – REU1