“Baka naman scam ‘yan.”Ito ang pahayag ni Rocel Guanlao, non-uniformed personnel ng Bauang Police Station dito sa Bauang, La Union dahil sa pagkakaantala ng kanyang EC Cash Assistance mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC).
Inamin din nito na bahagya siyang nainip sa kakahintay. “Hintayin ko na lang. Kapag dumating ‘yon na,” dagdag pa nito. Ngunit noong araw na hawak na niya mismo ang tseke noong Marso 28, laking tuwa at pasasalamat niya sa ECC. “Thank you, Lord, thank you sa inyo,” ang masayang pahayag ni Guanlao.
Maliban sa cash assistance na nagkakahalaga ng Php10,000.00 ay tumanggap din siya ng EC Temporary Total Disability (TTD) benefits sa Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa mahigit na dalawang linggo nitong quarantine.
Samantala, lubos din ang pasasalamat ni Jenny Rose Rendon, nars ng Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union nang matanggap niya ang Php10,000.00 na halaga ng tseke bilang tulong pinansiyal dahil sa pagkakasakit nito ng COVID19 nang dahil sa kanyang trabaho.
“Natuwa ako na may cash assistance kami. Malaking tulong na ito sa pamilya ko at pambili ng pangangailangan.”
“Thankful ako kahit matagal, may hinihintay kami,” pahayag ni Rendon.
“Ang cash assistance ay ipinagkakaloob natin sa mga manggagawa na nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho maliban pa sa kanilang EC sickness benefits,” ayon kay ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.
Sa kasalukuyan, pinamamahagi na ng ECC ang mga cheke para sa mga aplikasyon na naihain hanggang Oktubre 15, 2021.
Tinitiyak naman ng pamunuan na lahat ng aplikasyon mula Oktubre 16, 2021 hanggang Disyembre 23, 2021 ay mapoproseso sa oras na may pondo na para sa programang ito.
Ipinapaalala rin ng ECC na patuloy pa rin ang pagtanggap at pagproseso ng SSS at GSIS para sa lahat ng EC claim gaya ng sickness benefits, medical benefits, death at funeral benefits.
D. Dupagan – REU1