“Hindi ko lubos akalain na ang aking ordinaryong umaga ay mauuwi sa hindi inaasahang pangyayari. Isang trahedya na masasabi kong bumago sa takbo ng aking buhay,” saad ng EC benepisyaryo ng ECC.
Nobyembre 2021 ng maaksidente ang isang clerk habang hinihintay ang shuttle service na susundo sa kanya papasok nang trabaho. Habang naghihintay ay nabangga siya ng rumaragasang dyip, dahilan para magtamo ito ng iba’t-ibang pinsala sa katawan.
Agad naman itong naisugod sa pinakamalapit na ospital. Habang nagpapagaling ay napagpasyahan niyang mag-file ng EC claim sa SSS. Naaprubahan naman ang kanyang EC disability benefit at nakakuha ng humigit kumulang na P33,000.
Bukod dito ay nakatanggap din siya ng EC cash assistance sa halagang P10,000 mula sa ECC sa pamamagitan ng programang Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay). Sumailalim rin ang nasabing clerk sa libreng medical consultation at physical therapy session sa Quirino Memorial Medical Center.
Noong Hulyo 2023, sumailalim ang nasabing clerk sa isang livelihood seminar na inorganisa ng ECC. Sa kasalukuyan ay nagsagawa na rin ng ocular visit ang ECC para matiyak at mapuntahan ang lugar kung saan posibleng itayo ang ninanais nitong negosyo.
Kapag ito ay nakapasa sa ebalwasyon, magagawaran ang nasabing clerk ng livelihood starter kit sa halagang P20,000 bilang panimula sa kanyang napiling negosyo at kapag napalago naman ay mabibigyan din ng complementary kit na nagkakahalagang P10,000.
“Sa isang iglap pwede palang mabago ang buhay mo. Naranasan kong madepress at mawalan ng gana sa buhay. Pero dahil nandyan ang ECC, naging matatag ako! Mas tumibay at nagkaroon ng direksyon sa buhay. Mas pinipili ko ng harapin ang bukas na may positibong pananaw. Salamat, ECC! Nawa ay patuloy niyong tulungan ang mga tulad kong naaksidente nang dahil sa trabaho,” pahayag ng nasabing clerk.
J. Cañedo – CO