ECC prosthesis para sa PWRD. Si Alfredo Marquez (kanan), dating bus drayber, ay nakatanggap ng prosthesis mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC) Regional Extension Unit 1 sa San Fernando, La Union noong Nobyembre 10, 2022. Ang paggawad ay bahagi ng tulong ng ECC na ibinibigay sa mga manggagawang may kapansanan nang dahil sa trabaho.

 

Masaya sa pakiramdam,” ito ang sambit ni Alfredo Marquez na may kasamang matamis na ngiti nang maisuot niya ang kanyang libreng prosthesis handog ng Employees’ Compensation Commission (ECC).

Isa itong maagang regalo sa akin ngayong pasko,” dagdag na pahayag ni Marquez.  “Nagpapasalamat din ako sa ECC dahil makakahanap na muli ako ng trabaho.

Si Marquez ay isang bus drayber ng Pangasinan Solid North Transit at tubong San Nicolas, Pangasinan. Naputulan siya ng kaliwang binti nang maipit ito sa nangyaring karambola sa bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) noong Pebrero 18, 2019. Simula noon, hindi na siya nakapagtrabaho.

Noong Nobyembre 10, 2022, iginawad kay Marquez ang naturang prosthesis na nagkakahalaga ng ₱83,000.00 sa mismong tanggapan ng ECC-Regional Extension Unit 1 sa San Fernando City, La Union.

Lubos din ang pasasalamat ni Marquez sa mga natanggap niyang EC benefits gaya ng EC Sickness (initial) sa halagang ₱27,000.00. Nakatanggap din siya ng ₱20,000.00 bilang tulong pangkabuhayan sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program para sa negosyo niyang kambingan.

Ayon kay ECC Officer-in-Charge Executive Director Jose Maria S. Batino, “Ang sinumang manggagawa na naaksidente nang dahil sa trabaho ay may nakalaang benepisyo sa ilalim ng EC Program. Ang tulad ng aksidente na nangyari kay Marquez kung saan siya ay naaksidente nang dahil sa trabaho ay compensable basta walang naging kapabayaan ang empleyado.”

Kahit na may ECC, iba pa rin ang maging maingat tayo dahil ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga manggagawa ang ating prayoridad,” dagdag pa ni Director Batino.

Ang Employees’ Compensation Commission ay isang ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawang nagkasakit, naaksidente o namatay nang dahil sa trabaho. Inihahain ang aplikasyon ng EC benefits sa Social Security System (SSS) para sa mga pribadong sektor at Government Service Insurance System (GSIS) para naman sa mga nasa pampublikong sektor.

 

D. Dupagan – REU1