“Masaya at makakapagtrabaho na akong muli,” saad ni Loreto Alonzo Jr. 43, ng Bauang, La Union nang kanyang matanggap at maisuot ang libreng prosthesis bigay ng Employees’ Compensation Commission (ECC) noong ika-2 ng Septyembre 2022.
Naputulan ng binti si Alonzo bunga ng aksidenteng nangyari sa kanya noong Disyembre 5, 2019, habang papasok sa kanyang trabaho bilang trak drayber. Simula noon, hindi na siya nakapagtrabaho at malaki ang nagbago sa takbo ng kanyang buhay.
Sa kabila nito, nabigyan siya muli ng pagasa nang kanyang malaman sa kanyang employer na kwalipikado siyang makatanggap ng EC benefits.
Maliban sa libreng below knee prosthesis na nagkakahalaga ng ₱63,000.00 ay tumanggap din siya ng EC Sickness benefits na umabot ng ₱18,000.
Sumailalim na rin ng pagsasanay sa pangkabuhayan si Alonzo bilang paghahanda para sa kanyang tulong pangkabuhayan na nakapaloob sa EC Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program.
Paliwanag ni ECC Officer-in-Charge Executive Director, Engr. Jose Maria S. Batino, CESO IV, “Ang sinumang manggagawa na naaksidente nang dahil sa kanyang trabaho ay tatanggap na nararapat na benepisyo sa ilalim ng EC Program. Sa kabuuan, ang tulad na aksidente na nangyari kay Alonzo kung saan ang empleyado ay papasok o galing ng trabaho ay nararapat na makatanggap ng benepisyo sa ilalim ng EC Program dahil ang nangyari sa kanya ay masasabing may kaugnayan sa trabaho.”
Ang Employees’ Compensation Commission ay isang ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng naaayon na benepisyo sa mga manggagawang nagkasakit, naaksidente o namatay nang dahil sa kanyang trabaho. Inihahain ang aplikasyon ng EC benefits sa Social Security System (SSS) para sa mga manggagawang taga-pribadong sektor at sa Government Service Insurance System (GSIS) naman para sa mga nasa pampublikong sektor.
D. Dupagan – REU1