“Agyaman kami la unay, ta uray nu agbagbagyo, nairaman kami iti daytoy naimbag nga programa yo. Mangnamnama kami nga dagitoy naisuro yo ket makatulong ken mausar mi iti pagsayaatan iti negosyo.” (Kami ay lubos na nagpapasalamat dahil sa kabila ng bagyo, nabigyan kami ng oportuninad na matuto sa ilalim ng napakagandang programa. Umaasa po kami na ang mga itinuro ninyo ay makatulong at magamit namin para sa ikauunlad ng aming negosyo.)

Sa kabila ng masamang panahon dulot ng bagyong Carina, matagumpay na naisagawa ang unang pangkat ng komprehensibong Livelihood Training ngayong ika-26 ng Hulyo 2024 sa Employees’ Compensation Commission (ECC) Regional Office 2 para sa sampung (10) persons with work-related disability (PWRD) mula sa pampubliko at pribadong sektor.

Natutunan ng mga lumahok ang mga simpleng pamamaraan kung paano magsimula ng negosyo at mga pangunahing kaalaman sa book keeping sa pangunguna ng Administrative Officer ng ECC Region 2 na si Iarah Domingo,

“Layunin ng livelihood training na mabigyan ng oportunidad ang mga PWRD na makapagsimula ng kanilang sariling negosyo upang mapabuti ang kanilang kabuhayan at magkaroon ng sapat na kita,” turan ni Domingo.

Ang nasabing pagsasanay ay kinakailangan bilang inisyal na hakbang upang maipagkaloob sa kanila ang EC starter kit o pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P20,000 sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program ng Employees’ Compensation Commission (ECC).

Maliban sa nasabing pagsasanay, ilan pa sa mga benepisyo sa ilalim ng KaGabay Program ay skills training at physical restoration services kung saan ipinagkakaloob ang libreng serbisyo katulad ng physical o occupational therapy services, medical-surgical management, psychosocial counseling, psychiatric evaluation, hearing o visual impairment rehabilitation at ang mga kinauukulang assistive devices (prosthesis, wheelchairs, hearing aids, crutches, etc.).

“Makikitang hindi limitado sa serbisyong pinansyal ang benepisyo na maaaring makuha mula sa ECC. Layunin ng komisyon na mabigyang kumpiyansa ang mga PWRD na kumita at makaahong muli sa mga hamon ng buhay,” saad ni Atty. Kaima Via B. Velasquez, Executive Director ng ECC.

 

E. Bayangos – REU 2