ECC INILUNSAD ANG KAUNA-UNAHANG BARANGAY-LEVEL ECP ADVOCACY SEMINAR: Bilang bahagi ng layunin sa Gender and Development (GAD), matagumpay na inilunsad ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang unang Employees’ Compensation Program (ECP) Barangay Advocacy Seminar sa Barangay Sto. Niño, Quezon City noong Abril 12, 2025. Lumahok ang 50 opisyal at kawani ng barangay sa seminar na tinalakay ang ECP, Violence Against Women and Children (VAWC), at iba pang GAD-related programs.
Bilang bahagi ng mga inisyatibo at layunin sa Gender and Development (GAD) ng Employees’ Compensation Commission (ECC), matagumpay na inilunsad ng Komisyon ang kauna-unahang Employees’ Compensation Program (ECP) Barangay Advocacy Seminar para sa mga opisyal at kawani ng Barangay Sto. Niño noong Abril 12, 2025, na ginanap sa Barangay Sto. Niño Hall, Quezon City.
Layunin ng seminar na palakasin ang kamalayan ng mga manggagawa ukol sa mga benepisyo at serbisyong hatid ng ECP, at mapalalim ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mas maging epektibo ang pagbibigay ng suporta sa mga manggagawang Filipino. Kasama rin sa layunin ng seminar ang pagpapataas ng kamalayan tungkol sa Violence Against Women and Children (VAWC) at ang pagpapalakas ng gender-responsive initiatives sa mga barangay sa pamamagitan ng GAD.
Umabot sa 50 barangay officials at staff ang lumahok sa aktibidad—isang mahalagang hakbang bilang kauna-unahang ECP seminar na isinagawa sa antas-barangay at naitampok din ang gender equality at women’s empowerment bilang bahagi ng GAD.
Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng panimulang mensahe si Barangay Kagawad Julie Estrellado, at nagpahayag ng pasasalamat sa ECC sa pagsisimula ng programang ito sa kanilang komunidad. Tiniyak din ni Kagawad Estrellado ang kanilang suportang itaguyod ang mga GAD initiatives sa barangay.
Ipinakilala ni Ma. Cecilia E. Maulion, Chief ng ECC Information and Public Assistance Division (IPAD), ang mandato at layunin ng ECC, pati na rin ang overview ng Employees’ Compensation Program.
Sinundan ito ng masusing diskusyon ni Information Officer III Jayrezze O. Cañedo ukol sa mga saklaw na sakit o aksidente, mga kinakailangang dokumento sa pag-file at pagproseso ng EC claim, pati na rin ang iba’t ibang benepisyo na maaaring matanggap ng mga kuwalipikadong manggagawa.
Bilang karagdagang bahagi ng seminar, tinalakay naman ni Atty. Klarence D. Orjalo, Attorney III mula sa ECC Appeals Division, ang usapin ng Violence Against Women and Children (VAWC). Mahalaga umano itong kaalaman para sa mga opisyal ng barangay upang maprotektahan ang kanilang mga nasasakupan mula sa karahasan at agad na makatugon sa mga ganitong kaso. Tinalakay din kung paano ang GAD principles ay maaaring magtaguyod ng isang mas ligtas at makatarungang komunidad.
Ayon kay ECC Executive Director Atty. Kaima Via B. Velasquez, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga barangay sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa ECP at ang pagpapalakas ng gender-sensitive programs. “Nawa’y ituring ninyo ang forum na ito bilang isang kapaki-pakinabang na plataporma para sa mga barangay upang magsama-samang magbahagi ng ideya, tugunan ang mga isyu sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho, at magmungkahi ng mga paraan upang mas mapalakas ang programa ng ECC,” ani Atty. Velasquez.
Bilang pagtatapos ng programa, nagpahayag ng suporta si Kagawad Ariel Eliquen ng Barangay Sto. Niño sa mga aktibidad ng ECC at iginiit ang tungkulin ng mga barangay na ipabatid sa kanilang mga residente ang mga karapatan at benepisyo ng mga manggagawa sa ilalim ng ECP, pati na rin ang pagpapalaganap ng mga gender-sensitive policies at programang nakatuon sa kaligtasan ng kababaihan at mga bata.
“Patuloy ang ECC sa paglalapit ng ECP sa mamamayan sa pamamagitan ng mas pinaigting na information drives at seminars sa mga barangay at iba pang sektor sa buong bansa,” pagtatapos ni Atty. Velasquez.
J. Cañedo – CO