Nakatanggap mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC) si Geronimo Remigio ng EC Permanent Partial Disability (EC-PPD) benefit na nagkakahalagang ₱354,759.82, sanhi ng kanyang pagkabalda na kanyang natamo dahil sa kanyang pagka-aksidente habang papasok nang trabaho.
Si Remigio ay isang dyanitor sa Laging Qlean Janitorial Services, Inc. Noong Hulyo 2019 habang si Remigio ay papasok sa trabaho gamit ang kanyang motorsiklo, siya ay nabundol ng bus. Dahil sa aksidenteng ito, naputol ang kanyang kanang binti.
Habang nagpapagaling ay nag-file si Remigio ng EC claim sa Social Security System (SSS). Kalaunan ay ginawaran siya ng EC Permanent Partial Disability (PPD) benefit. Bukod dito ay nakatanggap din siya mula sa ECC’s Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program, ng EC cash assistance sa halagang ₱10,000.00.
Noong 2022, sumailalim naman si Remigio sa konsultasyon, libreng physical at occupational therapy sessions sa Univesity of the East Ramon Magsaysay (UERM) Memorial Medical Center. Matapos nito, pinagkalooban ng ECC si Remigio ng libreng prosthesis na nagkakahalagang ₱45,500.00.
Nakasama din siya sa isang virtual EC livelihood seminar na inorganisa ng ECC sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Pagkatapos makumpleto ang nasabing seminar at magsumite ng business plan ay pinagkalooban siya ng EC livelihood starter kit sa halagang ₱20,000.00 bilang panimula sa kanyang negosyo na sari-sari store.
“Layunin ng ECC ang patuloy na magbigay ng benepisyo at makatulong na makabangon muli ang mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho. May iba’t-ibang programa at serbisyo ang ECC na makakatugon sa mga pangangailangan ng mga Persons with Work-Related Disabilities (PWRDs),” pahayag ni ECC-Executive Director Kaima Via B. Velasquez.
Ayon kay Remigio, “Laking pasasalamat ko po talaga sa mga naitulong ng ECC. Dahil sa tanggapan na ito ay nagkaroon ako ng lakas ng loob na magsimula muli sa buhay. Ipinapangako ko na palalaguin ang negosyong natanggap ko mula sa ECC.”
J. Cañedo – C.O.