Biniyayaan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ng benepisyo sa ilalim ng EC Program si Jervis Rendon, 44 taong gulang, na nabalda nang dahil sa trabaho.
Si Rendon ay residente ng General Santos City at nagtrabaho bilang isang seaman. Kasali sa kanyang trabaho ang pagbubuhat ng mabibigat na mga kagamitan sa barko. Noong Hulyo ng taong 2019, habang siya ay nagtatrabaho, dumanas siya ng pananakit sa kaliwang balikat (collarbone area) na nagdulot ng limitasyon sa kanyang galaw. At dahil sa hindi magampanan nang maayos ang trabaho, siya ay dineklarang “unfit to work” at tuluyang pinababa sa barko noong Agosto 2019.
Nalaman ni Rendon sa kasamahan sa trabaho ang mga benepisyo na maaari niyang makuha sa ilalim ng EC Program.
Nag-aplay siya ng EC claim at agad naman itong inaprubahan ng Social Security System (SSS). Bukod pa sa kanyang natanggap na sickness benefit, siya din ay nabigyan ng P10,000 cash assistance at sumailalim sa libreng terapiya sa St. Elizabeth Hospital Inc., akridetadong hospital ng ECC sa lungsod ng General Santos. Sa kabuuan, siya ay sumailalim sa dalawang konsultasyon, 21 na sesyon ng physical therapy, at pitong sesyon ng occupational therapy. Nakatanggap din siya ng humigit kumulang na P15,000 para sa kanyang travel and meal allowance.
Noong Setyembre 28, 2023, sumailalim si Rendon sa pagsasanay hinggil sa pagbuo ng negosyo na pinamagatang “How to start a business, entrepreneurial mind-setting and financial literacy” na pinamumunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) 12. Noong Nobyembre 9, 2023, siya ay nakatanggap P20,000 EC livelihood starter kit para sa negosyong babuyan na kanyang inumpisahan.
Sa kasalukuyan, si Rendon ay idineklara nang “fit to work” at nakatakdang bumalik sa trabaho bilang seaman.
“Nagpapasalamat po ako sa mga benefits na natanggap ko sa EC Program. Salamat sa mga tulong na natanggap ko sa inyong programa at sana marami pa po kayong matulungan na tulad kong naaksidente,” saad ni Rendon.
Kabilang sa Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program ng ECC ang isa pang benepisyo na tinaguriang EC complementary kit, na nagkakahalagang P10,000, ito ay maaari pa matanggap ni Rendon kapag mapalago niya ang kanyang negosyo ng higit sa isang taon.
Ang mga manggagawang nagkaroon ng sakit o aksidente dahil sa trabaho ay pwedeng makapag avail ng karagdagang benepisyo kapag sila ay may EC Permanent Partial o Total Disability na aprubado ng SSS o GSIS.
K. Daga – REU 12