(Kaliwang larawan) Si Adrhey Domingo, suot ang guwantes na pang motorsiklo para matakpan ang kanyang kanang kamay na may mga putol na daliri. (Kanang larawan) Si Domingo, isang person with work-related disability (PWRD), gamit ang kanyang cosmetic hand glove mula sa ECC para ipakita ang natanggap na ₱10,000.00 cash assistance cheque na ipanagkaloob sa kanya ng ECC sa opisina sa ECC-REU 4A sa Calamba, Laguna noong July 21, 2022.

Mula nang maputulan ng apat na daliri sa kanang kamay sa isang aksidente sa trabaho ay gumagamit na si Adrhey Domingo, 27 taong gulang, ng isang motorcycle glove na nilalamnan lamang ng tela. Ito ay hindi lamang bilang proteksyon kundi para maitago aniya ang itsura ng kanyang kamay. Nitong ika-21 ng Hulyo 2022, natanggap niya ang cosmetic hand glove na pinasadya ng Employees’ Compensation Commission (ECC)  sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program.

Noon po, nahihiya ako sa suot kong black gloves na pang-motor. Ngayon po hindi na ako nahihiya dahil mayroon na akong cosmetic hand glove,” sabi ni Domingo.

Sa kaparehong araw ay naibigay din kay Domingo ang ₱10,000.00 na EC cash assistance na isa namang karagdagang benepisyo para sa mga nagkaroon ng sakit o aksidente nang dahil sa trabaho o sa mga mahal sa buhay ng mga manggagawang namatay nang dahil sa trabaho. Dagdag ni Domingo, “Malaking tulong din po sa pamilya namin itong cash assistance. Maraming salamat po sa lahat ng bumubuo ng ECC.

Nagtatrabaho noon si Domingo bilang isang production operator sa isang metal stamping company sa Biñan, Laguna. Noong ika-13 Disyembre 2018, aksidenteng nadurog ng ginagamit na stamping press, isang makinang ginagamit sa paghulma ng metal, ang kanyang kanang kamay matapos nitong mag-malfunction. Sa kasamaang palad, dahil dito ay kinailangan nang tuluyang putulin ang kanyang mga daliri sa kanang kamay maliban lamang sa kanyang hinlalaki.

Nakakuha si Domingo noong 2019 ng EC sickness benefit na nagkakahalaga ng ₱31,000.00 para sa 90 araw na pagpapagaling. Ayon sa kanya, malaking tulong ito para sa kanyang pamilya lalo pa na siya lamang ang inaasahan nito.

Makalipas ang apat na buwan, nakabalik siya sa dating kumpanya bilang isang quality control officer. Kalaunan ay nailipat din siya sa mga gawain na karaniwang ginagamitan ng parehong kamay tulad ng degreasing at plating na kaya pa rin daw naman daw gawin ni Domingo. Hindi man naging madali, kinasanayan na din daw niya ang mga gawaing ito.

Bukod pa sa mga benepisyong nabanggit, nakatanggap din si Domingo ng EC permanent partial disability pension (PPD) sa loob ng 28 na buwan simula noong ika-13 ng Marso 2019 hanggang ika-6 ng Hulyo 2021 sa halagang ₱4,050.82 kada buwan . Ang EC PPD ay buwanang pensiyon para sa mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho na nagresulta sa pagkaputol o functional loss ng bahagi ng katawan o sa iba pang sakit o kalagayan saad sa ilalim ng Employees’ Compensation Program.

 

J.Romasanta – REU4A