Dating operator sa isang electronic components manufacturing company ang nabigyan ng Employees’ Compensation Commission Regional Extension Unit IV-A (ECC-REU 4A) ng complementary kit na nagkakahalaga ng ₱10,000.00 noong ika-3 ng Hunyo 2022. Ito ay karagdagang tulong para sa kanyang assorted goods business na sinimulan niya gamit ang ₱20,000.00 starter kit na ibinigay ng ECC noong 2019. Ang livelihood starter at complementary kits ay binibigay ng ECC sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program.
Setyembre 2016 nang magsimulang magtrabaho si Lovely Supremo, 37 taong gulang, bilang operator sa isang electronics manufacturing company sa Biñan, Laguna. Parte ng kanyang trabaho ang pagso-solder o paghihinang, isang paraan ng pagdidikit ng dalawang piraso ng metal sa pamamagitan ng pag-init. Makalipas ang isang taon, nakaramdam siya ng madalas na pamamanhid at pangangatal ng dalawang kamay.
Noong Pebrero 2019, na-diagnosed si Supremo na mayroong bilateral carpal tunnel syndrome. Noong ika-5 ng Marso 2019, nakatanggap si Supremo ng EC sickness benefit mula sa SSS.
Para hindi na lumala ang kanyang sakit, minarapat na ni Supremo magbitiw sa trabaho. Sa kasalukuyan, siya ay nagtatrabaho sa kapitolyo ng Laguna.
Ani ni Supremo, marami siyang natanggap sa ECC dahil work-related ang kanyang carpal tunnel syndrome. Maliban sa EC sickness, meron pa siyang EC starter kit kung saan binigyan siya ng “assorted goods business.” May libreng physical therapy sessions din siya upang maibsan ang mga nararamdamang sintomas ng kanyang sakit. Bukod dito, makatatanggap din siya ng ₱10,000.00 EC cash assistance.
“Malaking tulong sa aming pamilya ang naibigay ng ECC na benepisyo. Dahil po sa EC livelihood assistance, nairaraos namin ang pang araw-araw naming gastusin. Naibsan din ang mga nararamdaman kong pananakit ng aking mga kamay dahil naman sa libreng physical therapy sessions na binigay ng ECC. Ngayon may ₱10,000.00 complementary kit pa ako. Salamat po ECC!,” ani ni Supremo.
Sa ilalim ng EC KaGabay Program, maaaring makatanggap ng libreng rehabilitation services kagaya ng physical/occupational therapy, assistive devices, o livelihood training ang mga persons with work-related disabilities. Ang mga mayroong approved EC benefits ay maaaring lumapit o makipag-ugnayan sa mga tanggapan ng ECC upang makapag-avail ng mga nasabing serbisyo.
J. Romasanta – 4A