Taong 2016 ng maaksidente sa trabaho si Jason Hermoso, 33 taong gulang mula sa Dasmariñas, Cavite. Dati siyang kusinero sa Sebanti Corporation ng aksidenteng nakain ng pork grinding machine ang kanyang kanang kamay. Dahil sa nangyari, napagpasyahan na putulin ang kanyang kanang kamay.

Nag-file siya ng EC claim sa Social Security System (SSS) at hindi kalaunan ay na-aprubahan naman ito. Nakakuha siya ng EC sickness benefit at lump sum benefit para sa kanyang EC Permanent Partial Disability (EC-PPD).

Bukod sa EC sickness at disability benefit ay nakatanggap din siya mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC) sa pamamagitan ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program ng EC cash assistance na nagkakahalagang ₱10,000. Sumailalim rin si Hermoso sa libreng physical at occupational therapy sessions at pinagkalooban ng prosthetic arm sa halagang ₱94,500.00.

Noong Abril 2022, sumailalim si Hermoso sa isang virtual livelihood seminar na inorganisa ng ECC sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Pagkatapos makumpleto ang nasabing seminar ay pinagkalooban siya ng EC livelihood starter kit sa halagang ₱20,000.00 bilang panimula sa kanyang e-loading business.

Malaking tulong sa aming pamilya ang kabuhayang ipinagkaloob ng ECC. Mahirap sa umpisa ang magpatakbo at magpalago ng negosyo, kaya naman labis ang pasasalamat ko sa ECC. Dahil sa kanila, nagkaroon ulit ng saysay at kulay ang buhay ko. Pakiramdam ko ay produktibong mamamayan na naman ako,” saad ni Hermoso.

Nitong ika-10 ng Mayo 2023, ginawaran ng ECC si Hermoso ng complementary kit sa halagang ₱10,000.00 bilang pagkilala sa determinasyon at pagsisikap niya na mapalago ang kanyang e-loading business.

Isa sa mga layunin ng ECC ang patuloy na makatulong sa mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho. Ang ECC KaGabay Program ay tumutulong upang makabangon at makapagsimula muli sa iba’t-ibang aspeto ng buhay ang mga Persons with Work-Related Disabilities (PWRDs),” pahayag ni ECC OIC-Executive Director Jose Maria Batino.

 

JOC – CO