Nilagdaan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) at Social Security System (SSS) ang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalayong mabigyan ng social security coverage ang lahat ng Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel ng ECC na hindi sakop sa ilalim ng Government Service Insurance System (GSIS).

Naganap ang nasabing kasunduan noong Setyembre 8, 2023 sa SSS Main Office, Quezon City. Ito ay pinangunahan nina ECC Executive Director Atty. Kaima Via B. Velasquez at SSS  President and Chief Executive Officer Rolando L. Macasaet.

Nakapaloob sa nasabing kasunduan na pangangasiwaan ng ECC ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga job order at contract of service personnel ng ECC para makakuha at makatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng SSS at EC Program. Sila ay magiging kabilang sa self-employed members ng SSS.

Layunin ng MOA na ito na masigurong napapangalagaan ang mga karapatan ng mga manggagawa at naitataguyod ang kanilang kapakanan. Ang mga social protection benefits na ipinagkakaloob ng gobyerno ay hindi lamang nakalaan para sa mga permanenteng empleyado, bagkus ito ay dapat na tinatamasa rin ng mga kontraktwal na empleyado,” pahayag ni ECC Executive Director Atty. Kaima Via B. Velasquez.

Kasama ni Director Velasquez na pumirma sa nasabing MOA ay sina Executive Vice President Voltaire Agas, Acting Senior Vice President Maria Rita Aguja, ECC’s Information and Public Assistance Division Chief Ma. Cecilia Maulion, at Administrative Division Chief Maribel Oliveros.

Sa kabilang banda ay pwede ring ipagpatuloy ng mga kawani ng gobyerno na dating nagtatrabaho sa pribadong sektor ang paghuhulog ng kanilang kontribusyon sa SSS.

Bukod sa ECC, nilagdaan din ng SSS ang MOA/MOU kasama ang mga opisyal at kinatawan mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Local Government Units ng Taguig at Malabon, Energy Regulatory Commission, Philippine Public Safety College at MDC ConQrete.

Ang MOA signing ay naging tampok na paksa sa ika-66 anibersaryo ng SSS.

 

J.Cañedo – C.O.