Binigyan ako ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ng pag-asa sa gitna ng mga dinanas kong paghihirap sa buhay. Para sa akin at sa aking pamilya, ang ECC ay isang hindi inaasahang biyaya, isang liwanag sa dilim. Hindi sapat ang salitang ‘salamat’ sa mga natanggap kong benepisyo mula sa ECC,” saad ng kontrakwal na empleyado sa Chanel Line Corporation.

Para sa pribadong sector, sakop ng EC Program ang lahat ng compulsory o mandatory members ng Social Security System (SSS) o yung tinatawag na may “employer-employee relationship”. Kabilang din rito ang mga contractual employees, seafarers o sea-based OFWs, kasambahay, at self-employed (SE) members ng SSS.

Ang nasabing kontrakwal na empleyado ay dalawang buwan pa lang na kontrakwal opereytor ng makina nang maaksidente siya habang nagtatrabaho. Naipit ang kanang binti nito sa inaayos na makina. Dahil sa nangyari ay agad siyang sinugod sa pinakamalapit na ospital.

Sinagot ng employer ang mga gastusing medikal ng nasabing empleyado. Kalaunan siya ay na-regular na sa kanyang trabaho.

Dahil work-related ang kanyang pagkakabalda, siya ay nakakuha ng EC Permanent Partial Disability (EC PPD) benefit noong 2019 sa halagang ₱186,332.16. Sa kasalukuyan, meron pang natitirang 3 buwan na EC pensiyon ang nasabing empleyado.

Bukod dito ay nakatanggap din siya mula sa ECC sa pamamagitan ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program ng EC cash assistance na nagkakahalagang ₱10,000. Sumailalim rin ang nasabing person with work-related disability (PWRD) ng libreng physical therapy sessions sa Philippine General Hospital (PGH) at nakatanggap ng halagang ₱4,500.00 para sa tranposrtation and meal allowance (TMA). Pinagkalooban din ng ECC ang PWRD  ng prostetik na binti na nagkakahalagang ₱130,000.

Ang KaGabay Program ay karagdagang benepisyo ng ECC na may layuning matulungan at mabigyan ng pagkakataon ang mga PWRDs na makabalik muli sa trabaho o makapagsimula ng sariling negosyo,” saad ni OIC-Executive Director Engr. Jose Maria S. Batino, CESO IV.

Noong March 2021, sumailalim ang nasabing empleyado sa isang livelihood seminar na inorganisa ng ECC sa pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya.

Dahil na rin dito, nakatanggap siya ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalagang ₱20,000.00 bilang panimula sa kanyang magiging negosyo na sari-sari store.

Kalaunan, ginawaran na rin siya ng ECC ng ₱10,000.00 na complementary kit bilang pagkilala sa determinasyon at pagsisikap niya na mapalago ang kanyang negosyo.

Nakakatuwang malaman na napapalago ng ating mga PWRDs ang negosyong ipinagkaloob sa kanila. Ang complementary kit na binibigay ng ECC ay nagsisilbing tulong upang mapalago ang kanilang pangkabuhayan,” dagdag ni Director Batino. “Ang ECC ay handang tumulong sa mga PWRDs. Patuloy at magbibigay kami ng mga benepisyo at iba’t-ibang serbisyo na tutugon sa mga pangangailangan nila.

 

CO – JOC

With reports from Grace Bernadette R. Tee, Social Welfare Officer II