Noong Hulyo 2020, nagsagawa ang isang ahensya ng gobyerno ng swab test para sa kanilang mga empleyado, clerks, janitorial staff at security personnel. Ilan sa kanilang mga empleyado ang nagpositibo at naitala na asymptomatic o mild COVID-19 cases.

Agad na pinaigting ng ahensyang ito ang health at safety protocols sa kanilang opisina, pati na rin sa mga empleyado na nagpositibo sa COVID-19 at mga empleyadong nakasalamuha nila.

Ayon sa isa sa mga nagpositibo sa COVID, “Wala naman akong naramdaman na sintomas o kakaiba sa aking katawan. Noong nalaman ko na may COVID ako, nandoon yung takot at pag-aalala. Natatakot na baka bukas paggising mo hindi ka na makahinga. Nag-aalala na baka nahawaan ko ang aking pamilya. Paano kung hindi na ako makabalik sa trabaho o mamatay ako dahil sa COVID?

Habang naka-quarantine ay napanood niya sa telebisyon ang tungkol sa Employees’ Compensation Program (ECP). Agad niyang tinawagan ang kanilang ahensya para maasikaso ang mga dokumento na kailangan sa pagfile ng EC claim.

Sa ilalim ng ECP, ang mga manggagawa na nagkasakit, naaksidente o namatay nang dahil sa trabaho ay makakatanggap ng EC benefit. Sa kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19 (asymptomatic, mild, moderate, severe and critical), maaari silang makakuha ng EC sickness, medical benefits at EC cash assistance.

Madali lang magfile ng EC claim. Ito ay inihahain sa pinakamalapit na SSS o GSIS branch sa inyong lugar. Sa kaso ko na isang kawani ng gobyerno, nagfile ako sa GSIS ng EC claim. Nakatanggap ako ng EC sickness benefit sa halagang P2,800 para sa labing-apat (14) na araw na ako ay naka-quarantine. Bukod dito ay nakatanggap pa ako ng P10,000 EC cash assistance mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC),” saad ng EC beneficiary.

Kulang ang salitang ‘salamat’ sa ECC. Kahit gaano pa kalaki o kaliit ang benepisyo, sobrang nagpapasalamat talaga ako. Hindi tayo makakapulot ng ganoong halaga sa labas ng bahay natin. Tunay nga na higit pa sa benepisyo ang ibinibigay na serbisyo ng ECC,” dagdag pa nito.

“Nabalitaan ko rin na may bagong resolusyon ang ECC para sa mga nasa pribadong sektor na nagkasakit ng COVID-19 dahil sa trabaho. Makakatanggap sila ng one-time top-up cash assistance na nagkakahalagang P30,000. Sana pati sa mga taga-gobyerno ay magkaroon ng ganitong hakbang ang ECC. Malaki ang maitutulong nito sa mga kawani ng gobyerno na nagkasakit ng COVID,” aniya.

Ang ECC ay handang tumulong at laging nandyan para sa mga manggagawang Filipino. Patuloy at walang sawa kaming magbibigay ng mga benepisyo at iba’t-ibang serbisyo na tutugon sa mga pangangailan ng mga manggagawa sa gitna ng banta ng COVID-19,” pagsasaad ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.

 

 

J.Cañedo – M.O.