Nakatanggap ng halagang ₱380,098.78 reimbursement ng out-of-pocket expenses na gastusing medikal mula sa Employees’ Compensation Commission (ECC) ang isang empleyado ng Mass Rapid Transit (MRT) na nagkaroon ng Covid19 nang dahil sa trabaho. Bukod dito ay naaprubahan din ang kanyang EC sickness benefit sa Government Service Insurance System (GSIS) at nakakuha ng EC cash assistance noong Hulyo 27, 2021.

Noong 2021, ang nasabing empleyado ay nagpa-swab test sa kadahilanang siya ay may nararamdamang sintomas ng Covid19. Nang lumabas na ang resulta ng kanyang swab test, siya ay nagpositibo at naitala na may severe Covid19 case.

Dahil sa nangyari, agad na nagsagawa ang ahensya nila ng health at safety protocols sa kanilang opisina. Pinayuhan din ang mga empleyadong nakasalamuha niya na mag-isolate at i-monitor kung may mararamdaman silang sintomas.

Ayon sa empleyadong nagpositibo sa Covid, “Nagka-Covid ako nang dahil sa trabaho. Marami kasi kaming nakakasalamuha na tao. Sobrang hirap matamaan ng Covid19, na-isolate ako sa hospital at may mga panahon na kinakapos ako sa paghinga. Bukod sa naranasan kong ito, ang nagpapabigat ng sitwasyon ay ang pag-iisa at yung pakiramdam na hindi mo makakasama ang iyong pamilya sa laban na ito.

Habang naka-quarantine ay naalala niya ang seminar na nadaluhan tungkol sa EC Program. Agad niyang tinawagan ang kanilang ahensya para maasikaso ang mga dokumento na kailangan sa pagfile ng EC claim.

Sa ilalim ng EC Program, ang mga manggagawa na nagkasakit, naaksidente o namatay nang dahil sa trabaho ay makakatanggap ng EC benefit. Sa kaso ng mga nagpositibo sa Covid19 (asymptomatic, mild, moderate, severe and critical), maaari silang makakuha ng EC sickness benefit, EC medical reimbursement kung may gastusing medikal at EC cash assistance.

Madali lang naproseso ang aking EC claim sa GSIS. Nakatanggap ako ng EC sickness benefit sa halagang ₱4,200.00 para sa dalawampu’t isa (21) na araw na ako ay naka-quarantine. Bukod dito ay nakatanggap rin ako ng ₱10,000.00 EC cash assistance mula sa ahensya ng ECC,” saad ng EC benepisyaryo.

Dagdag pa ng EC benepisyaryo, “Laking pasalamat ko sa aming ahensya at sa ECC! Sa mga panahong nawalan ako ng pag-asa dahil sa pandemyang ito, nandiyan ang ECC. Walang sawang suporta at pag-asikaso ang ibinigay ng mga staff nila.

 

Jai – C.O.