Sa kabila ng masamang panahon, isang malaking tagumpay para sa Employees’ Compensation Commission (ECC) ang katatapos nitong tatlong araw na Employees’ Compensation Program (ECP) advocacy seminar sa lungsod ng San Carlos at bayan ng Bolinao sa Pangasinan noong Septyembre 4-6, 2023.

Mahigit sa dalawangdaan na opisyal ng barangay at empleyado ng City Local Government Operations Office ng San Carlos, kabilang na rin ang mga school administrator at kanilang mga empleyado mula sa Technical Vocational Institutions (TVIs) sa karatig lugar ang dumalo sa unang dalawang araw na aktibidad.

Sa bayan naman ng Bolinao, nasa isandaang indibidwal and dumalo, kabilang dito ang mga opisyal din ng barangay, mga empleyado mula sa pribadong sektor, mga estudyante at kanilang trainer mula sa technical vocational school at maging mga ordinaryong manggagawa kung saan kabilang sila sa kategoryang self-employed na sakop ng Social Security System (SSS).

Ayon kay ECC Acting Executive Director Kaima Via Velasquez, lahat ng self-employed members ng SSS ay myembro din ng EC Program. Sa kabilang banda, sabi ni Director Velasquez, isang hamon para sa ECC na maabot ang lahat ng nasa grass root level. Kaya itong pagsasagawa ng libreng seminar sa mga opisyal ng barangay ay isang paraan upang maipabot sa mga nasa laylayan ng lipunan ang mga programa at serbisyo ng ECC.

Nais din nating i-tap ang tulong ng mga barangay officials at gawin silang ambassador ng ECC dahil sila ang higit na nakakaalam kung sino sa kanilang kabarangay ang higit na nangangailangan ng tulong ng EC Program,” dagdag pa ni Director Velasquez.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga dumalo sa naturang aktibidad dahil sa nagkaroon sila ng dagdag kaalaman tungkol sa kanilang mga karapatan, benepisyo at prebiliheyo sa ilalim ng EC Program.

Nagpapatuloy ang ganitong free advocacy seminar ng ECC dahil isa sa misyon nito ay dapat lahat ng mga manggagawa ay maalam tungkol sa EC Program

Ang ECC ay isang ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng naaangkop na benepisyo sa mga manggagawang nagkasakit, naaksidente o nasawi nang dahil sa trabaho.

 

D. Dupagan – REU 1