Ang mga persons with work-related disabilities ay nakikinig kay ECC Administrative Officer Jeruz Castillo na nagpapaliwanag kung papaano makakakuha ng EC starter kit sa isinagawang Small Business Management Training ng ECC at RTWPB noong ika-23 ng Marso 2022, sa opisana ng ECC-REU 4A sa Calamba, Laguna.

Sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay) Program, pitong (7) persons with work-related disabilities (PWRDs) mula sa Region IV-A ang sumailalim sa small business management training na isinagawa ng Employees’ Compensation Commission (ECC) Regional Extension Unit (REU) IV-A at Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) IV-A noong ika-23 ng Marso 2022, sa opisana ng ECC-REU 4A sa Calamba, Laguna.

Sa isinagawang training, ipinaliwanag ni RTWPB IV-A Labor and Information Officer (LIO) Gener Rivera sa mga lumahok na PWRDs ang mga pangunahing kailangang isa-isip at ihanda bago pumasok sa pagnenegosyo. Binigyan din niya ng diin ang kahalagahan na mapag-aralan muna nila ang papasuking negosyo at mga hakbang upang makasabay sa mga posibleng maging pagbabago sa demand ng kanilang magiging produkto o serbisyo.

Kasunod nito, ipinaliwanag sa kanila ng ECC REU 4A ang mga kasunod na hakbang upang makapagpatuloy at maging kwalipikado ang mga PWRDs na magawaran ng livelihood starter kit na Php 20,000 para sa negosyo na kanilang nais simulan.

Bago ang nasabing pagsasanay, nauna nang nakatanggap ang ilan sa mga kalahok na PWRDs ng ibang serbisyo sa ilalim ng EC-KaGabay Program tulad ng libreng check-up, physical therapy, o assistive devices.

Sa pagsasailalim sa lalawigan ng Laguna sa Alert Level 1, ito ang unang pagkakataon na nakapagsagawa muli ng face-to-face livelihood training para sa mga PWRDs ang ECC REU 4A mula nang magkaroon ng pandemya. Sa kabila nito ay tiniyak na nasunod ang mga minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.

 

J. Romasanta – 4A