Nagtungo ang Employees’ Compensation Commission (ECC) noong ika-9 ng Agosto 2024, sa Lungsod ng Marikina upang magbigay ng karagdagang kagamitan at pagkain sa mga elderly ng Luwalhati ng Maynila.
Pinangunahan ni ECC Executive Director Kaima Via Velasquez, kasama ang iba pang mga empleyado ng ECC, ang pamamahagi ng packed lunch, toiletries, at iba pang mga kagamitang kinakailangan ng mga elderly sa Luwalhati ng Maynila.
Sa nasabing aktibidad, ang mga “lolos” at “lolas” ng Luwalhati ng Maynila ay ibinida ang kanilang angking talento sa pagkanta at pagsayaw. Sa kabilang banda, hindi rin nagpahuli ang mga empleyado ng ECC pagdating sa pagpapamalas ng kanilang talento. Ilan sa kanila ay naghandog ng kanta at sayaw na ikinatuwa ng mga elderly sa nasabing home for the aged.
“Hindi lang mga benepisyo at serbisyo sa mga empleyadong nagkasakit, naaksidente o namatay nang dahil sa trabaho ang ipinagkakaloob ng ECC, bagkus, misyon din ng ahensya na makapaglingkod at magbigay tulong sa mga vulnerable sector, gaya ng mga elderly, sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad,” saad ni Director Velasquez.
“Kami ay nagpapasalamat sa oras at panahon na inilaan sa aming institusyon ng ECC. Sa kabila ng marami nilang proyekto para sa mga manggagawang Filipino ay nagkaroon pa sila ng pagkakataon na iparamdam sa amin na madaling lapitan at abot-kamay lamang ang mga ahensya ng gobyerno,” turan ng isang social worker sa Luwalhati ng Maynila.
Sa pangwakas na pananalita ni ECC Deputy Executive Director Evelyn Ramos, sabi niya “Makakaasa kayo na hindi ito ang huling aktibidad ng ECC, patuloy kaming maglilingkod hindi lamang sa mga manggagawa kundi pati narin sa kapwa nating Filipino.”
J. Cañedo – CO