Si Ginoong Bondoc Jr. gamit ang below knee prosthesis na kanyang natanggap mula sa ECC noong ika-22 ng Setyembre 2022.

 

Nakatanggap ng libreng prosthesis ang auto technician na si Rafael Bondoc Jr. sa ilalim ng Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapanasan (KaGabay) Program ng Employees’ Compensation Commission (ECC) noong ika-22 ng Setyembre 2022.

Maraming salamat po sa ECC dahil ako po ay nabiyayaan ng artificial leg. Napakalaking bagay po nito sa akin upang ako po ay makapagtrabaho nang maayos at makakilos para po sa aking pamilya,” ani Bondoc.

Nagmamando si Bondoc ng isang bus mula sa shuttle service company na kanyang pinagtatrabahuhan noong ika-10 ng Marso 2010 nang siya ay mabangga nito mula sa gilid. Dahil sa aksidente ay kinailangang putulin ang kanyang kaliwang binti.

Matapos magpagaling ng dalawang buwan, nakabalik pa si Bondoc sa kanyang kumpanya kung saan siya ay binigyan ng mga gawaing pang-opisina. Ngunit makalipas ang tatlong buwan ay tuluyan na din siyang umalis nang trabaho dahil umano sa traumang dulot ng aksidente. Mula noon ay nagtrabaho na lamang siya bilang isang on-call auto technician.

Nakatanggap si Bondoc ng EC sickness mula sa EC Program noong Mayo 2010 at EC Permanent Partial Disability (PPD) pension sa loob ng 38 na buwan. Ayon kay Bondoc, malaking tulong sa kanilang pang-araw araw na gastusin ang natanggap niyang pension lalo pa at walang ibang pinagkakakitaan ang kanyang pamilya.

Taong 2015 nang malaman niya ang tungkol sa KaGabay Program mula sa isang kakilala na naging benepisyaryo din ng programa. Bago pa mabigyan ng prosthesis, isinaayos din ng ECC ang kanyang pagsailalim sa mga libreng consultation, physical therapy sessions, at skills training.

Layunin ng KaGabay Program na matugunan ang mga pangangailangang pang-rehabilitasyon, pisikal man o bokasyonal, ng mga persons with work-related disabilities (PWRD). Ang mga PWRD tulad ni Bondoc ay maaaring magtungo sa tanggapan ng ECC upang makatanggap ng mga benepisyo at serbisyo sa ilalim ng EC Program.

 

J. Romasanta – 4A