“Habang buhay akong magpapasalamat sa Employees’ Compensation Commission (ECC),” ang pahayag ni Rodrigo Andaya Jr. ng San Juan, La Union dahil sa tulong na naibigay sa kanya ng ECC matapos ang kanyang pagkaaksidente nang dahil sa trabaho.
Noong Septyembre 2019, nakatanggap ng Php 20,000.00 bilang livelihood starter kit si Andaya sa ECC bilang panimula para sa kanyang backyard goat raising sa ilalim ng ECC-KaGabay (Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan) Program.
Mula sa anim na kambing, umabot ito ng labindalawa sa loob lamang ng limang buwan.
Noong nakaraang taon, nakapagbenta siya ng kambing at ang kinita rito ay ginamit niya sa pagpapaayos ng kanyang bahay.
“Ang pinagbentahan ko ng kambing ang siyang ginamit ko para magpagawa ng bagong bintana. Sa ngayon sliding window na. Ang aming pintuan ay bago na rin. Sa tulong pangkabuhayan na ipinagkaloob ng ECC, nakakaraos kami,” ayon kay Andaya.
Sa ngayon, patuloy na dumarami ang kanyang alagang kambing na may kabuuang ng labing-anim na.
“Nakakatuwang isipin na sa kabila ng nararanasang pandemya ay patuloy namang lumalago ang negosyo na ipinagkaloob ng ECC sa ating mga benepisyaryo. Dahil dito, inirekomenda natin sila para sa kanilang complementary kit,” ayon kay Randy Angelo Ponciano ng ECC-Regional Extension Unit 1.
“Lahat ng PWRDs na may kasalukuyang livelihood projects na pinunduhan ng ECC ay maaaring makatanggap ng complementary kit sa halagang Php 10,000.00.”
“Hindi na rin kailangang maghintay ng isang taon o mahigit pa dahil sa ngayon kung kinakitaan ng paglago ang kanilang negosyo kahit sa loob lamang ng tatlong buwan ay maaari na rin makatanggap ang ating persons with work-related disabilities (PWRDs) bilang tugon sa panawagan ng ating Pangulo para maibsan ang epekto ng COVID-19 sa atin mga benepisyaryo,” paliwanag ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.
Bilang isang karpintero, pinatunayan ni Andaya na kailangang maging matibay sa pagharap sa anumang pagsubok sa buhay.
Ang tulong na ibinigay ng ECC sa kanya ay baon daw niya habang buhay dahil ito ang nagsisilbi ngayon na maayos na silungan ng kanyang pamilya at nagbibigay sa kanilang pamilya ng kabuhayan.
D. Dupagan – REU1